NET25’s Tagisan ng Galing P4-M CASH PRIZE INIUWI NG WINNERS

“REALIZING dreams, rewarding talent.”

Ito mismo ang naisakatuparan ng Net 25 Eagle Broadcasting Corporation para sa mga indibidwal at grupo na nagpakita ng kanilang mga kasanayan at nanguna sa kumpetisyong “Tagisan ng Galing” noong Hulyo 27, 2020 sa telebisyon.

Iginawad ang pagkilala sa Grand Champion na si Jonacris Bandillo, habang ang Power Duo, si Edrien Oclarino, ang Cosmic Angles at si Nicole Francisco ay nagkamit ng premyo para sa pangalawa, pangatlo at pang-apat na pwesto at nag-uwi ng premyong mahigit 4 milyong piso.

Ang awarding ceremony ay ginanap sa Net25 Studio matapos ang kompetisyon na dinaluhan ng mga kilalang entertainment personalities sa bansa. Kabilang sa mga dumalong panauhin si Glicerio B. Santos, Jr., General Auditor ng Iglesia Ni Cristo (INC).

Ang Grand Winner na si Badillo, na kilala rin bilang “Legendary Pool Player of Laguna,” ay nagpasalamat sa network at mga tagahanga na bumoto online para sa kanya. Nakuha niya ang
34.15% ng boto ng publiko sa SMS at online. Tumanggap siya ng P2 milyon.

“Unang-una gusto ko pong magpasalamat sa Panginoong Diyos. Siya po ang nagkaloob sa akin ng ganitong talent at minarapat lang po na ibalik sa Kaniya ang kapurihan at tagumpay.”

Dagdag pa niya, “Gusto ko din pong magpasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin at sa kapwa kong contestants, pati na rin sa mga hurado. Sa lahat po nang bumubuo sa Tagisan ng Galing, sa Ka Jun Santos po, sa lahat po ng mga viewers, sa bumoto sa aming lahat, maraming, maraming salamat po.”

Ang Power Duo, na tanyag sa taguring “Amazing Couple from Rizal,” ay nag-uwi ng P1.5 milyong piso matapos makakuha ng 18.02% ng kabuuang boto habang si Edrien Oclarino, na kilala bilang
“Captivating Guitarist from Cavite,” ay nakakuha naman ng 17.64% boto at nakatanggap ng P1 Milyong piso.

Ang iba pang mga nagwagi ay binigyan ng tig-P100 libong pisong consolation prizes at pagkakataon upang maitampok sa mga programa ng NET25 kabilang na ang Himig Ng Lahi.

“Patuloy kaming maghahanap, maghihikayat at huhubog ng Talentong Pilipino. Tanyag ang ating mga performer sa buong mundo at ang ating Tagisan ng Galing ay patuloy na magsisilbing
pandayan ng talento at pagkakataon para sa maliliit nating mga kababayan para ipamalas ang kanilang angking galing at natatanging kasanayan,” ayon pa kay Santos, Jr.

Ang Grand Finale ng Tagisan Ng Galing ay ipinalabas sa NET25 at sa Facebook at YouTube channels ng TNG tampok ang performance nina Ms. Kuh Ledesma, Angeline Quinto at Marcelito Pomoy, kasama sina Imelda Papin, Marco Sison at Vina Morales.

Sa Awarding Ceremonies ay inihayag ang susunod na pagtatanghal ng nasabing kompetisyon “upang magbigay ng mas maraming pagkakataon para sa mga Pilipino na ipakita ang kanilang mga
talento sa mundo sa pag-awit at pagsayaw.”

Mananatili bilang judge sina Juke Box Queen Imelda Papin, OPM hitmaker Marco Sison at ang singer-actress na si Vina Morales. Papasok na rin bilang bagong judge ang America’s Got Talent grand finalist na si Marcelito Pomoy.

Panoorin ang NET25 at mag-subscribe sa NET25 at Tagisan Ng Galing FB page at YouTube channel para sa karagdagang mga update sa Tagisan Ng Galing Part 2.

160

Related posts

Leave a Comment