CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINDI nakaligtas sa puna ng mga netizen ang nakatiwangwang na proyektong ospital sa lalawigan ng Quezon.
Sa isang post sa social media, imbes na ayusin muna at pinaganda ang serbisyo ng Quezon Memorial Center o QMC na nanlilimahid sa dumi, kulang sa mga doktor, nurses at espesyalista, maraming kulang na pasilidad, kulang sa bed capacity at ginawa pang tambakan ng basura ang basement, inuna raw ni Quezon 2nd District Congressman David “JayJay” Suarez ang proyektong Lucena General Hospital sa isang agricultural land sa Brgy. Mayao Parada, Lungsod ng Lucena.
Sa madaling salita, dapat inuna ang QMC na matagal nang nangangailangan ng modernisasyon, hindi ang pagpapatayo ng Lucena City General Hospital, na nakatengga dahil sa walang maayos na pagpaplano at hindi pinadaan sa tamang proseso.
Tingin ng mga netizen, maraming paglabag ang ginawa ni Suarez sa pagpapatayo ng ospital.
Walang konsultasyon, wala ring ordinansa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon na noon ay pinamumunuan ng kanyang ama na si dating governor Danny Suarez, walang permit at nilabag ang batas na pumoprotekta sa lupang pang-agrikultura. Wala ring isinulong na batas na nagtatakdang matatag ang proyektong ospital.
Ang nasabing lupain ay isang “Prime Agricultural Land” na may mataas na produksyon ng palay dahil sa sapat na irigasyon. Ito ay tahasang nilabag dahil bawal ang land conversion sa lupang sakahan o may sapat na patubig.
Bukod pa rito, marami pa rin anilang paglabag si Suarez nang ipatayo ito sapagkat walang anomang konsultasyon at koordinasyong naganap sa DOH at sa iba pang kinauukulan, wala ring “Permit to Construct” mula sa DOH, walang Hospital Development Plan at higit sa lahat walang anomang ordinansa o batas na nagtatakda upang matatag ang Lucena General Hospital.
Dahil walang legal na basehan kaya hindi malinaw kung sino ang magpapatakbo.
Sa kabila nito, nagkaroon pa rin ng Ground Breaking Ceremony kasama si Senador Bong Go na naglaan ng pondo para sa nasabing proyekto.
Nang simulan ang proyektong ito noong 2021, walang anomang panukalang batas ang naisulong si Cong. Jay Jay Suarez sa Kamara, gayundin ang kanyang asawang si ALONA Party-list Representative, Cong. Anna Villaraza Suarez at ang kanyang ina na noon ay Quezon 3rd District Representative, Cong. Aleta C. Suarez, upang legal na maitayo ang Lucena General Hospital.
Nang umalingawngaw ang isyu ay agaran daw naghain si Suarez sa Kamara ng panukalang batas na naaprubahan naman sa Bicameral Conference at lagda na lamang ng Pangulo ang kulang.
Ipinangako ni Suarez na mag-ooperate ang naturang ospital noong 2024 subalit hanggang ngayon ay nakatengga ito at hindi napakikinabangan ng mga taga-Quezon.
Teka, pag-aari raw ng pamilya Suarez ang lupang nakapalibot sa kinatatayuan ng ospital.
Napag-alaman na ang lupang kinatitirikan ng ospital ay parte ng lupang sakahan ng Unisan Farms na dinonate umano sa gobyerno. Pag-aari ng mga Suarez ang Unisan Farms.
Pero ang nakahihinayang ay ang perang ginasta sa pagpapatayo kung ang gusali ay matetengga lang.
‘Di ba dapat serbisyo publiko ang lumutang, hindi ang nakatiwangwang na pagamutan?
Bukas ang pahinang ito sa paglilinaw, kung mayroon man, mula kay Cong. Jayjay.
