PUNA ni JOEL O. AMONGO
WALANG maniniwala na hindi pamumulitika ang implementasyon ng BBM administration sa P20 kilo rice program.
Bakit kamo? Una sa Local Government Units (LGUs) ipadaraan ang pagbebenta ng murang bigas sa mga probinsiya.
Siyempre dahil sa LGUs ipadaraan ang pagbebenta ng bigas, incumbent mayors ang babango sa kanilang mga bayan. Lamang agad sa pogi points si mayor kaysa kanyang kalaban ngayong eleksyon.
Magbebenta na ng murang bigas si mayor sa kanilang mga botante, mamimigay pa siya ng pambili ng ulam, saan ka pa? kay mayor ka na. Ngayon sinong magsasabi na hindi pamumulitika ‘yan?
Kung hindi pamumulitika ‘yan dapat ipatupad ‘yan after election hindi ngayon na ilang linggo na lang ay eleksyon na.
Kamakailan, pinuna ni Vice President Sara Duterte ang P20 kilo rice program ni PBBM na isa namang pambubudol ito ng administrasyon sa mga Pilipino.
Kinuwestiyon ni Inday Sara na bakit sa Visayas lang ang implementasyon ng programa? Baka mahina raw ang “team nakasusuka” este…team Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Visayas Region?
Sabi niya, bakit sa Visayas lang ba may nagugutom, paano naman daw ang mga nasa National Capital Region (NCR) at Mindanao?
Kaya hindi siya naniniwala na hindi pamumulitika ang pagbebenta ng bigas na ‘yan na P20 ang kada kilo.
Na-PUNA rin natin na wrong timing ang implementasyon dahil eleksyon ngayon.
Ramdam na kasi ng administrasyon na mahina ang kanilang mga kandidato ngayon dahil dismayado na ang mga Pilipino sa ginagawa ng mga nakaupo ngayon sa pamumuno ni PBBM.
Imbes na solusyunan ang mga nangyayaring krimen, mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang mga problema, isinisisi pa nila ito sa lumalabas na fake news na kagagawan ng vloggers.
Isa pa riyan ang pagbagsak sa survey ni PBBM kamakailan, dahil ‘yan sa fake news, ayon pa kay PCO Usec. Claire Castro.
Ayon pa sa kanya, ang survey na ‘yan ay hindi sumasalamin sa tunay na nangyayari sa bansa.
Baliktad ‘yan madam, ‘yan ang tunay na sinasalamin ng mga nangyayari sa bansa, ibig sabihin niyan hindi kuntento ang taumbayan sa pamamalakad ni PBBM.
Bilyun-bilyong piso ang nakukuhang pondo ng mga kongresista, pero ang daming ordinaryong mamamayan ang patuloy na naghihikahos ang buhay.
Fake news ba, Madam Claire, ang ginawa ng gobyerno na pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands?
Sa pagkakataon na ‘yan ay muntik nang umalsa ang buong sambayanan na sinundan ng pagdiriwang ng kaarawan ni Pangulong Duterte noong Marso 28, na nagkaroon ng malawakang rali sa buong Pilipinas at ibang mga bansa kung saan ay may overseas Filipino workers.
Kung magpapatuloy ang hindi maayos na sistemang pagpapatupad ng kasalukuyang administrasyon ay hindi imposibleng lumalala pa ang pagkadismasya ng taumbayan sa pamamalakad ni PBBM.
Siyempre, kung wala nang tiwala ang mga tao sa gobyerno, posibleng mapaalis ang namumuno rito.
Lalo na’t halip na tugunan ng gobyerno ang napauulat sa social media na mga krimen, mataas na presyo ng mga bilihin at kahirapan ay pinagbabalingan pa nila ang vloggers hanggang sa ipinatawag pa sila sa Kamara kamakailan.
Sinasabi ng gobyerno na ang mga vlogger na ito ang nangunguna sa fake news na lumalabas ngayon, kabilang na ang pagbagsak sa survey ni PBBM at iba pang isyu.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o magtext sa cell# 0962-394-3098.
