2 CHINESE ARESTADO SA HUMAN TRAFFICKING

ARESTADO ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang dalawang Chinese national na sangkot sa human trafficking, habang nasagip ang apat na indibidwal, kabilang ang isang Malaysian national, sa isang executive village, sa Taytay, Rizal.

Nag-ugat ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo ang NBI mula kay Jinwen Yang, na ang kanyang kaibigang si Siaw Ping Lim na isang Malaysian, ay sapilitang ikinulong at pinagtatrabaho ng kanyang Chinese employer.

Ang kumpanya, ayon kay Yang, ay sangkot sa isang online scam na nag-ooperate mula sa nasabing residential area sa Taytay, Rizal, kung saan ang mga dayuhang empleyado ay hindi pinapayagang lumabas ng gusali at kinumpiska ang kanilang mga pasaporte.

Agad na nagsagawa ng surveillance operation ang NBI matapos makumpirma ang lokasyon ng mga biktima at matagumpay na nailigtas ang apat na dayuhan habang naaresto ang dalawang suspek na Chinese national na kinilalang sina Wang Kun at Liu Xiao Xiao.

Sasampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. (RENE CRISOSTOMO)

17

Related posts

Leave a Comment