BELMONTE, HUGAS-KAMAY Sa malalang kaso ng Covid sa QC

(NELSON S. BADILLA)

 

NANANATILING masahol ang kalagayan ng Quezon City hinggil sa coronavirus disease 2019  (COVID-19), ngunit lumilitaw na naghugas-kamay si Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte sa
pananagutan ng kanyang administrasyon sa nasabing problema.

Nitong Agosto 7, umabot sa kabuuang 7,576 ang mga residente ng Quezon City na kumpirmadong  tinamaan ng COVID-19.

Ibig sabihin, notoryus pa rin ang lungsod mula nang pumasok ang COVID-19 sa bansa.

Ngunit, ayaw kilalanin ni Mayor Belmonte ang bilang na ito dahil ang 7,576 na ito ay numerong  galing sa Department of Health (DOH), ayon sa pamahalaang lokal.

Ani Belmonte, ang ‘tama’ raw na ‘nakumpirma’ ng pamahalaang lungsod ay ang 7,479.

Ang bilang na ito ay mayroong address ng mga pasyente na kinumpirma ng Q.C. Epidemiology and  Surveillance Unit at District Health Offices.

Kapag kinumpirma ng dalawang ahensiya ng pamahalaang lokal ay nangangahulugang madaling  matagpuan, o puntahan para sa follow-up dahil mayroong numero at pangalan ng kalye kung saan  makikita ang kanilang mga bahay.

Matatandaang halos araw-araw ay laman ng mga balita maging sa social media ang Quezon City  dahil mistulang nagkakarerahan ang mga barangay nito sa pagdami ng bilang ng mga tinamaan ng  COVID-19.

‘Kapalpakan’ ni Duque

SINISI at binira ni Mayor Belmonte si Health Secretary Francisco Duque III sa kapalpakan nito  kaugnay sa “idinagdag” na kaso ng COVID-19 sa Quezon City.

Noong Agosto 1 at 2 ay napansin na ni Belmonte ang umano’y sobrang bilang sa ulat ng DOH ukol  sa mga taong nagkaroon ng COVID-19 sa lungsod.

Kaya, sa kanyang liham sa kalihim noong Agosto 4, tinukoy ni Belmonte na: “The lack of available  information from the outset, specifically addresses and contact numbers, amounting to half of all  cases reported, delays contact tracing by days.”

Ang isyu ni Belmonte kay Duque ay 573 (katumbas ng 47%) ng 1,224 kaso ng COVID-19 nitong  Agosto 1 at 2 na iniulat umano ng DOH, sa pamamagitan ng COVID KAYA information system, ay
walang address at contact numbers.

Kaiba ito sa regular na ginagawa ng City’s Epidemiological Surveillance Unit (CESU) na mayroong  address at contact numbers ang mga taong kumpirmadong mayroong COVID-19.

Dahil sa kapalpakan ng DOH, idineklarang “unknown” ng CESU ang kategorya ng 573 indibidwal.

“This means that almost half of the reported cases tagged as QC in the KAYA info system for these  days have no addresses and contact numbers, posing a major challenge in contact tracing,” ratsada  ni Belmonte kay Duque.

Sa press statement ng pamahalaang lokal ng Quezon City, pinagdiskitahan din ni Belmonte ang  kakulangan ng impormasyon ng DOH dahil ang “city’s precious time and resources are spent in
coordinating with disease reporting units (DRU), laboratories, and hospitals “to request information  that should have been diligently filled up in the first place.”

Idinagdag pa nito na “it is possible these cases may not even be QC residents.”

Upang huwag maulit ang ginawa ng DOH, nanawagan si Belmonte kay Duque na: “set the vision  and direction in improving data quality for rapid contact tracing.”

Idiniin ni Belmonte kay Duque ang paghihirap ng kanyang administrasyon, sa pamamagitan ng  ganitong pahayag: “As we increase our investment in logistics and human resources for contact
tracing, we hope that LGU efforts are matched by leadership and action from DOH in improving  data quality.”

Kahit ang hepe ng CESU na si Dr. Rolly Cruz ay sinusugan ang paninindigan ni Belmonte.

“The DOH would be of great assistance to our contact tracers if they will provide us with sufficient  data. This way, we can cover more ground efficiently,” birada ni Cruz.

Mayroong 700 contract tracers ang lungsod kung saan 300 dito ay nitong Hulyo natanggap.

Kumbinsido si Belmonte na “inutil” ang proyektong contract tracing ng kanyang administrasyon  kung kapos ang datos ng mga nagkaroon ng COVID-19.

Ipinaalala ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang datos ng DOH ay nagmula sa mga

pamahalaang lokal, mga pagamutan at pangrehiyong tanggapan ng DOH.

Contract tracing

HINDI maitatanggi ni Mayor Belmonte na totoong notoryus ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga biktima ng COVID-19 sa Quezon City.

Kaso, contract tracing ang pokus ng estratehiya ng administrasyon ni Belmonte.

Katunayan, inamin ni Belmonte na pinalakas pa nito ang contact tracing nang sabihin ng bagitong alkalde na: “we [have] increase[d] our investment in logistics and human resources for contact
tracing.”

Ang contact tracing ay kasama sa pagsusuot ng face mask at social distancing na ipinagagawa at regular na ipinaaalala ng DOH sa lahat ng mamamayan bilang mga kongkretong hakbang upang
makaiwas sa COVID-19.

Ang tatlong hakbang na ito ay nakabatay sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF-EID) on Emerging Infectious Diseases.

Simula sa Agosto 15, obligadong magsuot na ang mga mananakay ng face shield sa kanilang pagsakay sa mga pampublikong sasakyan bilang pagtalima sa utos ng Department of Transportation
(DOTr).

Kaya, magiging apat na ang titiyakin ng mga opiyal sa lungsod, sa partikular, at sa buong bansa, sa kabuuan.

Umiwas sa “shoot to kill”

BAGO batikusin ni Belmonte si Duque, iniiwas din niya ang sarili sa pagdidisiplina ng mga residente  ng Quezon City sa pamamagitan ng “shoot to kill.”

Tiniyak ni Belmonte na hindi patakaran ng kanyang administrasyon na ipapatay ang mga  negosyante at residente ng lungsod na lalabag sa mga alituntunin ng “modified enhanced
community quarantine” (MECQ) na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagsimula ang MECQ sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite nitong Agosto 4 na tatagal hanggang Agosto 18.

Resulta ito ng kahilingan ng 80 organisasyon ng mga doktor, nars at iba pang health workers na magkaroon muna ng labing limang araw na “time-out” sa pagharap at pag-asikaso nila sa mga
pasyente ng COVID-19.

Kinondena rin ni Belmonte si Rannie Ludovica, hepe ng Mayor’s Office Task Force Disiplina sa paglalabas ng kautusang shoot to kill sa mga lalabag sa MECQ.

Inihayag ni Ludovica na shoot to kill ang nararapat na parusa sa mga lalabag sa MECQ.

“Mula bukas shoot to kill na ang [parusa laban sa sinomang] lalabag sa MECQ,” banggit ni Ludovica  sa kanyang Facebook account noong Agosto 3.
Idiniin ni Belmonte na wala siyang kinalaman sa pahayag ni Ludovica.

Binatikos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang nasabing tauhan ni Belmonte na minsan nang naging konsehal ng Quezon City.

“Improper and illegal” ang ginawa ni Ludovica, banggit ni Usec. Jonathan Malaya.

Bukod sa pagkondena, binalaan din ni Malaya si Ludovica na huwag ulitin ang marahas na pahayag.

Si Senadora Ana Theresia “Risa” Hontiveros na 35-taon nang residente ng Quezon City ay pinagsabihan si Ludovica na “[ang] mga abusadong opisyales kagaya nito [ay] walang nalulutas sa
dahas. Hindi tama ang konduktang ito mula sa isang opisyal ng gobyerno.”

“Gawin natin ang trabaho natin nang walang pagbabanta ng patayan sa gitna ng pandemya,” diin ni Hontiveros.

Ngunit, hindi tinanggal ni Belmonte si Ludovica.

Ani Ludovica, resulta ng pagkadismaya at galit ang kanyang pahayag dahil sa sobrang taas ng kaso ng COVID-19.

Dinaig ang buong bansa?

PATULOY na binubusog ng punong lungsod ng Quezon City ang publiko sa mga balitang ‘nagbibigay ng liwanag’ hinggil sa patuloy na pagdami ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa lungsod.

Nitong Agosto 8, lumabas sa Philippine Star ang artikulong 63 porsiyento ang gumaling sa mga  nagkasakit ng COVID-19 sa Quezon City.

Ang tinukoy ng artikulo ay ang 4,713 pasyente mula sa 7,383 kaso ng COVID-19.

Sa 7,383 ay 311 ang mga namatay at 2,359 ang natirang aktibo, o 31 porsiyento.

Ayon kay Belmonte, resulta ang mataas na porsiyento ng mga gumagaling dahil pokus ng pamahalaang lokal sa containment, contact tracing, istriktong pagpapatupad ng lockdown (ECQ at
MECQ), at pagkakaroon ng isolation facilities.

Ngunit, ang isang beses na pagkukulang ng ulat ng DOH sa media tungkol sa tunay na iskor ng lungsod sa COVID-19 ay binigwasan ni Belmonte si Duque.

Nang maglabas naman ng ideyang shoot to kill si Ludovica ay kinondena ni Belmonte ang opisyal na ito, sa halip na binalaan ito.

Sa nasabing balita ng pahayagang pag-aari ng pamilya Belmonte at Manuel V. Pangilinan ay mistulang pinalabas nito na tinalo ng Quezon City ang buong bansa na mayroon lamang 55.9
porsiyento ang gumaling sa 119,460 kasong naitala nitong Agosto 7.

Umabot naman sa 42.2 porsiyento ang natirang aktibo sa parehong araw.

Ang populasyon ng buong bansa ay 110 milyon, samantalang wala pang 3 milyon ang kabuuang naninirahan sa Quezon City.

Tulad din ito sa idiniin nina Presidential spokesman Harry Roque Jr. at Health Undersecretary

Vergeire sa maling paghahalintulad ng pangunguna ng Pilipinas sa dami ng kasong COVID-19 sa Indonesia at iba pang bansa sa Timog Silangang Asya dahil hindi magkapareho ang bilang ng
populasyon ng mga bansang ito.

Magkakaiba rin ang kapasidad ng mga ito sa COVID Testing, banggit nina Roque at Vergeire sa vmagkahiwalay na panayam ng mga journalist.

146

Related posts

Leave a Comment