ISANG communist NPA terrorist (CNT) ang napatay habang ilang mataas na kalibreng baril ang nasamsam mula sa Communist Terrorist Group (CTG) kasunod ng engkwentro sa lalawigan ng Sorsogon bunsod na pinaigting na security measures ng gobyerno sa Bicol.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng joint security operation ang mga tropa ng 31stInfantry Battalion (31IB), 903rd Infantry Brigade, Philippine Army, Intelligence Units ng Army, PNP-Police Regional Office 5 (PRO-5), at Sorsogon Police Provincial Office, nang makatanggap sila ng sumbong mula sa mga residente hinggil sa presensya ng 20 kasapi ng CTG sa area na sakop ng Barangay Sta. Lourdes, Barcelona noong Biyernes ng hapon
Matapos ang matinding bakbakan, isang bangkay ng hindi pa nakikilalang kasapi ng CTG ang natagpuan habang apat na high-powered firearms ang nadiskubre sa encounter site.
Inutos ni Lt. Col. Marlon Mojica, Battalion Commander ng 31IB, na ipagpatuloy ang pagtugis sa tumakas na mga NPA sa mga kalapit na barangay na maaaring magtago sa mga komunidad.
Naniniwala si BGen Aldwine Almase, commander ng 903rd Brigade, napigilan ng kanyang mga tauhan ang extortion activities at intimidations na ginagawa ng teroriostang grupo sa mamamayan ng Sorsogon.
“Alam at kinamumuhian na ng lahat ang karahasan at kasamaan ng mga teroristang ito kaya higit na masigasig ang ating mga tropa ngayong panahon ng eleksyon upang hanapin sila at galugarin ang mga pinagtataguan nilang lugar nang sa ganoon ay hindi sila magtagumpay sa kanilang mga ilegal na gawain. Hindi natin sila hahayaang makapangbiktima lalo na ng mga kandidato at sino mang mamamayan ngayong halalan,” ani BGen. Almase.
Tiniyak naman ni Police Regional Office 5 (PRO5) Director, P/BGen. Jonnel Estomo sa publiko na higit pa nilang paiigtingin ang kanilang pagbabantay para mapangalagaan ang mamamayan at kanilang komunidad laban sa CTG.
“Kahit abala po tayo sa inilalatag nating seguridad ngayong election period, we will not put our guards down against this terrorist group maging sa sinumang nagpaplanong maghasik ng karahasan dito sa Kabikolan,” ani P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)
159