SPECIAL FEATURE
SA hinaba-haba man ng prusisyon, sa China din ang tuloy.
Iyan ang destinasyon ng Gilas Pilipinas na isang linggo na lamang ay sasalang na sa pinakamalaking tanghalan ng basketball sa buong mundo – ang 2019 FIBA World Cup na nakatakda sa Foshan, China mula Agosto 31 hanggang Setyembre 15.
Subalit hindi makinis, madali at swabe ang naging daan ng Gilas Pilipinas – bagkus – lubak-lubak, matarik at mahabang ruta ang kanilang binagtas.
Upang makapasok sa World Cup, sumalang sa FIBA World Cup Asian Qualifiers ang Gilas na tumagal ng dalawang taon.
Banayad ang naging simula ng Gilas sa pagkamal ng mga panalo kontra sa Japan, Chinese-Taipei hanggang sa mabangga nga sa pinakamalaking hamon ng kanilang World Cup dream
Kontra noon sa Australia sa ikaapat na window ng Asian Qualifiers noong Hulyo 4, 2018, ay nasangkot ang Gilas sa marahil ay pinakamalaking rambulan sa kasaysayan ng international basketball sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Nang maapula ang apoy, humantong ang FIBA sa mabigat na parusa para sa Pilipinas. Tumataginting na 250, 000 swiss francs o higit P13 milyon ang ipinataw na multa sa bansa kasama na doon ang suspensyon ng 10 manlalaro, kasama na ang noo’y head coach Chot Reyes.
Nagbalot iyon ng kadiliman, ang kinabukasan ng Pilipinas.
Sa paglubog ng araw, napunta sa desisyon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na bumuo ng bagong koponan sa pangunguna at itinalaga si Yeng Guiao bilang head coach.
Sa solidong suporta ng PBA, nakabuo ang Gilas ng kasing-lakas o higit pa sa dating koponan nito na siyang sumalang sa krusyal na ikalimang window ng Asian Qualifiers.
Subalit bigo pa rin ang Gilas nang matalo ito sa mga krusyal na laban kontra sa Iran at Kazakhstan sa sarili nitong homecourt dito sa Pilipinas at nagsilbing malaking dagok sa tsansa ng Gilas na makabalik sa quadrennial world basketball conclave.
Pero, unti-unti ay lalong lumakas ang pwersa ng Gilas sa pagbabalik ng mga suspendidong manlalaro una nga nga rito sina Troy Rosario, RR Pogoy, Jayson Castro at naturalized player na si Andray Blatche para sa ikaanim at huling window ng Asian Qualifiers kontra sa Qatar at Kazakhstan na kailangang maipanalo ng koponan upang makasabit sa World Cup.
Parehong road games ang laban ng Gilas kontra sa Qatar at Kazakhstan subalit sa basbas ng tadhana’t pagkakataon ay nawalis ng Nationals ang parehong laban patungo sa World Cup.
Fast forward sa kasalukuyan, ilang araw na lang ay maisasakatuparan na ulit ng Gilas ang World Cup return nito matapos ding makapasok noong 2014 sa world championships na ginanap sa Spain.
Mahaba ang naging paghahanda ng Gilas na katulad ng dati ay nabalot uli ng mga problema.
Bukod sa palaging kulang ang mga manlalaro ng training pool ni Guiao bunsod ng noon ay idinaraos na 2019 PBA Commissioner’s Cup, nadale rin ito ng mga injury sa katauhan nina Gabe Norwood (midl groin injury), JP Erram (ankle), Matthew Wright (ankle) at Marcio Lassiter (sprain).
Bunsod nito ay nauwi na lang sa ilang pool members ang Gilas sa pangunguna ni Blatche, Rosario, Pogoy, June Mar Fajardo, Raymond Almazan, Mark Barroca, Paul Lee, CJ Perez, Beau Belga, Japeth Aguilar at ang nagbabalik na si Kiefer Ravena.
Sa kabila ng mga dagok na ito, hindi pa rin napigilan ang Gilas sa paghahasa ng paghahanda nito kabilang na nga ang matagumpay na training camp at pocket tournament sa Malaga at Guadalaja, Spain noong nakaraang buwan.
Tinalo ng Gilas ang mga African bets na Ivory Coast at Congo. Nitong makalawa lang ay sumalang ulit ang Gilas sa bigating friendly game kontra sa Australian team na Adelaide 36ers.
Wagi ang Gilas, 93-82, at bukod doon ay unti-unting nahilom ang sugat sa Australia.
Habang isinusulat ang balitang ito ay sasalang ulit sa isa pang Goodwill Game ang Gilas kontra Adeliade na ginagabayan ng dating PBA import para sa presto na si Joey Wright.
Matapos ang huling tune-up games na pinal na paghahanda ng Gilas, lilipad na pa-Foshan ang no.31 na Gilas para sa mabigat na misyong masilat ang no. 4 na Serbia, no. 13 na Italy at no.39 na Angola sa Pool D ng world basketball meet.
Bago sila umalis ay iaanunsyo na rin ni Guiao ang kanyang Final 12.
Anuman ang maging resulta, sino man ang nakasuot ng Gilas Pilipinas na uniporme, hindi na siguro mahalaga dahil sa pambihirang pagkakataon ay muling kakantahin ang ‘Lupang Hinirang’ sa world stage, kung saan tayo lahat ay sasaksi at ilalapat ang mga kamay sa ating dibdib – sabay-sabay na aawit para sa sa solidong suporta sa ating mga mandirigma sa hardcourt.
266