JAIL OFFICER, NAPUTUKAN NG SARILING FIREARM

pulis

CAVITE – Naputukan sa kaliwang hita ang isang jail officer nang makalabit nito ang kanyang service firearm habang pumapalag sa dalawang kalalakihan na kanyang naka-engkuwentro sa bayan ng Naic sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa Tanza Medical Specialist si JO2 Arbie Rodriguez y Ramos, 43, miyembro ng Bureau of Jail and Management Penology (BJMP), habang kinilala ang dalawa nitong naka-engkwentro na sina Mark Ciria y Cabanes, 36, at bayaw nito na si Gerald Villaluz y Famitanco, 34-anyos.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Rodrigo Veloso ng Naic Police Station, alas-11:00 ng gabi nang magtungo si Rodriguez  sa Gulod Munting Mapino sa Naic, Cavite upang sunduin ang kanyang live-in partner na si Merinol Hernandez, nang madaanan nito ang grupo ng mga nag-iinuman kabilang ang magbayaw na sina Ciria at Villaluz.

Hinihinalang napatingin ang grupo ng mga nag-iinuman kay Rodriguez kaya sinita nito at sinabihang “Anong problema niyo?”.

Bunsod nito, tumayo si Ciria upang umawat subalit nagbunot umano ng kanyang service firearm si Rodriguez at itinutok sa una.

Ngunit dumating ang live-in partner ni Rodriguez at inawat ito hanggang sa umalis ang mga ito patungo sa parking lot ng tricycle.

Gayunman, sumunod ang mag-bayaw upang mag-report sa barangay subalit nang madaanan si Rodriguez sa loob ng tricycle, tinangka ng dalawa na pigilan ang jail officer sa pamamagitan ng paghawak sa  kamay nito.

Pumalag naman si Rodriguez hanggang sa nabunot nito ang kanyang service firearm na aksidenteng pumutok at tinamaan sa kanyang kaliwang hita. (SIGFRED ADSUARA)

327

Related posts

Leave a Comment