LEHITIMONG IMPORTERS KINILALA NG BOC-NAIA

SA hangaring isulong ang mas malusog na kalakalan, binigyang pagkilala ng tanggapan ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang mga lehitimong importers na nakapag-ambag ng malaki sa pinaigting na programa ng pamahalaan.

Sa isang pagtitipong ginanap kamakailan sa tanggapan ng Port of NAIA, pinarangalan ang tatlong kumpanyang nakapagsampa ng angkop na buwis at taripa kalakip ng mga kalakal na ipinasok sa bansa sa ikalawang sangkapat ng kasalukuyang taon.

Sa harap ng mga panauhing kinabibilangan ng mga negosyante at mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya, pinarangalan ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan ang Samsung Electronic Philippines para sa P528-milyong halaga ng pinagbayarang buwis at taripang kalakip ng mga binebentang electronic products sa merkado.

Pasok rin ang Globe Telecom na nakapag-ambag ng P338 milyon at ang kumpanya sa likod ng tanyag na Louis Vuitton para sa pinagbayarang buwis sa halagang P315 milyon.

Kabilang rin sa mga binigyang pagkilala ang mga kawani ng naturang distrito.

We will continue to work to provide quality public service to all while staying true to our mandates of trade facilitation, border protection and lawful revenue collection,” ani Talusan sa isang pahayag.

Pagtitiyak pa ni Talusan, patuloy nilang pagbubutihin ang serbisyong nakasaad sa kanilang mandato at batay na rin sa direktiba ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz. (FERNAN ANGELES)

122

Related posts

Leave a Comment