MANGINGISDA NA DE BARIL NAHULI

NAHULIHAN ng mataas na kalibreng baril ang isang mangingisda sa operasyon ng pulisya sa Navotas.

Ayon kay Navotas police chief P/Col. Mario Cortes, nakatanggap ng impormasyon ang Station Intelligence Section (SIS) tungkol sa pag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ng isang nagngangalang alyas Glen, 30.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ni Presiding Judge Pedro T. Dabu Jr. ng Regional Trial Court (RTC) Branch 286, Navotas City, malaya nilang nagawa ang paghahalughog sa bahay ng suspek at doon nila nakita ang kalibre .45 baril at tatlong bala nito.

Katuwang ang mga tauhan ng Police Sub-Station (SS2), TMRU, SWAT at RIU, NCR, sa pagsagawa ng joint operation sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr sa bahay ng suspek sa B. Cruz St., Brgy., Tangos North dakong alas-12:10 ng tanghali.

Batay sa mga nakuhang impormasyon, madalas nakikita ang suspek ng kanyang mga kapitbahay na sukbit ang baril lalo na kung may mga kasama ito para ipagmalaki na siya ay may karapatang magdala nito.

Napag-alaman na sinasabi ng suspek na siya ay kasapi ng isang organisasyon na may basbas ng isang ahensya ng gobyerno para maging intelligence at katulong sa katahimikan ng kanilang komunidad.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 28 of RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. kung saan may karampatang parusa na nakalaan sa paglabag ng nasabing batas. (MARDE I. INFANTE)

84

Related posts

Leave a Comment