PEACE COVENANT SA SPECIAL ELECTION SA CAVITE, ISINAGAWA

NAGSAGAWA ng peace covenant sa Ika-Pitong Distrito ng Cavite para sa gaganaping Special Election sa Pebrero 25, 2023. 

Layon ng nasabing peace covenant na masiguro ang malinis, matapat at mapayapang halalan sa tatlong bayan at isang Lungsod ng Cavite, kabilang ang Amadeo, Indang, Tanza at Trece Martires City.

Nanguna sa pagpirma ng peace covenant ang apat na kandidato ng Ika-Pitong Distrito ng Cavite na sina Cavite Board Member Crispin Diego Remulla, dating Trece Martires City Mayor Melencio “Jun” Sagun, Michael Angelo Santos, at Jose Angelito Aguinaldo na kinatawan ng kanyang maybahay na si Weng Aguinaldo.

Dumalo at pumirma rin sa nasabing Peace Covenant sina CALABARZON Regional Director P/BGen. Jose Melencio Nartalez Jr.; Cavite Provincial Director, P/Col. Christopher F. Olzao; Atty. Mitzele Veron Morales-Castro, Cavite Provincial Election Supervisor ng Comelec, at mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard  at kinatawan ng simbahan. 

Sa panig ni Nartalez, umaasa ito sa mga kandidato na tutuparin nila ang nilalaman ng peace covenant at iiwasan ang partisan politics at magkakaroon ng parehas na serbisyo sa bawat kandidato, at mabibigyan sila ng sapat ng proteksyon.   

Sinabi naman  ni Olazo, ang peace covenant ay isang tipikal na gawain tuwing eleksyon at hinikayat ang mga kandidato para sa malinis at mapayapang eleksiyon at iwasan ang anomang dahas at respetuhin ang kasagraduhan ng balota. 

Para naman kay Comelec Election Supervisor Morales-Castro, tagapagpatupad lamang sila ng batas at ang tunay na “player” ay ang mga kandidato at nasa kanila kung paano magiging malinis at mapayapa ang eleksyon.

Ginawa ang peace covenant sa loob ng Diocesan Shrine of Saint Augustine sa Poblacion 1, Tanza, Cavite. 

Nagpalipad din ng mga kalapati bilang simbolo ng kapayapaan at kalayaan. (SIGFRED ADSUARA)

144

Related posts

Leave a Comment