QUADCOM SA MGA TAUHAN NI VP SARA: DUMALO O ARESTO?

IPINARATING ang mensaheng ito ng House committee on Good Government and Public Accountability sa mga tauhan ni Vice President Sara Duterte kapag muling inisnab ang imbitasyon sa kanila.

Sa araw na ito ay ipagpapatuloy ng nasabing komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua ang imbestigasyon sa umano’y maling paggamit sa P612.5 million confidential funds ng OVP at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng bise presidente.

Sa nakaraang pagdinig ng komite, inisyuhan ng subpoena ang mga tauhan ni Duterte na sina Undersecretary Zuleika Lopez, chief of staff ng OVP; Lemuel Ortonio, Assistant Chief of Staff at Chair of the Bids and Awards Committee; Rosalynne Sanchez, Administrative and Financial Services Director; Gina Acosta, Special Disbursing Officer at Julieta Villadelrey, Chief Accountant.

Kasama rin sa mga inisyuhan ng subpoena sa ikalimang pagkakataon ang mag-asawang sina Sunshine Charry Fajarda at Edward Fajarda, kapwa dating kawani ng DepEd na lumipat na sa OVP matapos magbitiw si Duterte sa nasabing departamento.

Sa mga nabanggit, tanging sina Sanchez at Villadelrey pa lamang ang nagkumpirma ng kanilang pagdalo sa pagdinig ngayong araw.

“The committee has been more than fair in giving these officials ample opportunities to cooperate. If they fail to appear this time, they leave us no choice but to impose heavier penalties, including contempt and potential arrest and detention,” ani Chua.

Base sa patakaran ng Kamara, tatlong beses lamang bibigyan ng pagkakataon ang mga inimbitahang resource person at kapag hindi dumalo ang mga ito ay isa-cite in contempt na ang mga ito at maglalabas ang kapulungan ng arrest warrant laban sa kanila.

34

Related posts

Leave a Comment