INAABANGAN ng Malakanyang ang susunod na hakbang ng panig ng pamahalaan hinggil sa desisyon ng Tanggapan ng Ombudsman na ibasura ang kasong graft kay dating Transportation Secretary Emilio Abaya at iba pang dating opisyal ng DOTC.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, nasa special prosecutor na kung anong remedyo ang susunod na gagawin .
Aniya, ginagalang nila ang pasya ng hukuman na i-dismiss ang reklamo ukol sa sinasabing maanomalyang 4.5 billion peso maintenance deal na pinasok ng MRT-3 sa South Korean firm na Busan Universal Rail Incorporated o BURI.
“Well, desisyon po iyan ng hukuman, we will respect it at titingnan po natin kung anong pupuwedeng maging course of action ng gobyerno laban diyan sa desisyon na iyan. We respect the decision of the courts and we leave it to the special prosecutor kung anong remedy ang susunod na gagawin nila,” ang pahayag ni Sec. Roque.
Kamakailan ay ibinasura ng Office of the Ombudsman ang kasong graft na inihain laban kay dating Transportation Secretary Emilio Abaya at iba pang dating opisyal ng Department of Transportation and Communications (DOTC), kaugnay ng P4.5 bilyong maintenance deal na pinasok ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) sa South Korean firm na Busan Universal Rail Inc. (BURI).
Sa 51-pahinang desisyon ng anti-graft court, binaliktad nito ang naunang desisyon noong 28 June 2020 na nag-aatas sa paghahain ng kasong graft kina Abaya at iba pang idinawit sa isyu.
Bukod kay Abaya, ibinasura rin ang kaso laban kina dating undersecretary Edwin Lopez, Rene Limcaoco, at Catherine Jennifer Gonzales; dating MRT3 general manager Roman Buenafe; dating assistant secretary Camille Alcaraz; dating MRT3 Bids and Awards Committee (BAC) vice chairperson Ofelia Astrera, abogadong si Charissa Eloisa Opulencia, dating Engineering Division chief Oscar Bongon, at engineer Jose Rodante Sabayle.
Ibinasura rin ang kaso laban sa mga pribadong indibidwal na sina Eldonn Ferdinand Uy, ng Edison Development and Construction, Elizabeth Velasco, ng Tramat Mercantile Incorporated, Belinda Tan, ng TMI Corporation Inc., Brian Velasco, ng Castan Corporation, at Antonio Borromeo, Jun Ho Hwang at Elpidio Uy, ng BURI.
Sa pagbasura ng kaso laban kina Abaya at iba pang dating opisyal ng DOTC, sinabi ng Ombudsman na ang problema sa operasyon ng MRT-3 ay nasa implementasyon ng pangmatagalang maintenance contract, na hindi nakita sa screening, negosasyon at bidding. (CHRISTIAN DALE)
