MARAMI pang isisiwalat si dating kongresista Zaldy Co kapag nakabalik na ito ng bansa.
Ito ang kumpiyansang ipinahayag ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, na dati ring kasama ni Co sa partylist group.
“I expect that he will tell all! Marami pa siyang hindi nasasabi,” ani Garbin.
Gayunman, sinabi ng mambabatas na nakasalalay sa antas ng kalayaang ibibigay ng administrasyon ang bigat ng mga rebelasyon ni Co.
“In due time and affording him due process under our law, then lahat masisiwalat niya… sana kung maiuwi siya, he can speak freely without any censure from the administration,” dagdag pa nito.
Si Co ay naaresto sa Prague, Czech Republic matapos umano itong tumawid sa hangganan nang walang tamang dokumento.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon, habang nagtatago sa ibang bansa, naglabas si Co ng serye ng video sa Facebook kung saan inakusahan niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tumanggap ng bilyun-bilyong pisong kickback mula sa kwestyonableng flood control projects. Iginiit din nito na sinusubukan umano siyang patahimikin.
Samantala, ikinatuwa ni House Speaker Faustino Dy III ang pagkakaaresto kay Co, na aniya’y mahalagang hakbang para mapanagot ang mga sangkot.
“Ang pagkakaaresto kay Zaldy Co ay patunay na ang sinumang susubok umiwas sa pananagutan ay hahabulin pa rin ng batas,” pahayag ni Dy.
Binigyang-diin din ng Speaker na bahagi ito ng pangako ng administrasyon na papanagutin ang may kinalaman sa umano’y katiwalian sa flood control projects.
“Walang puwang ang katiwalian… accountability must apply to everyone,” dagdag pa nito.
(TINA MENDOZA)
88 