NILOKO SA KONTRATA, NA-STRANDED SA AGENCY AT NGAYON AY OVERWORKED SA SAUDI

OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

DUMULOG sa ating pahayagan ang isang OFW upang humingi ng tulong matapos makaranas ng matinding kalbaryo sa kamay ng kanyang ahensya at employer sa Saudi Arabia.

Kinilala ang OFW na si Jessica D. Dabalos, na lumipad patungong Saudi Arabia noong Setyembre 22, 2025 upang magtrabaho bilang domestic helper sa ilalim ng Top Joby International Manpower Agency Co. sa Pilipinas at MADA ALKHALIJ RECRUITMENT OFFICE naman sa Saudi Arabia.

Ayon kay Dabalos, apat (4) na araw pa lamang siya sa kanyang unang employer nang magdesisyon siyang tumangging magpatuloy sa trabaho dahil sa hindi pagkakatugma ng kanyang tunay na kontrata sa pinapirmahan sa kanya sa Pilipinas.

“Iba po ang pinirmahan kong kontrata sa Pinas. Pagdating ko rito, aalagaan ko pala ang isang 22-anyos na special child na hindi makalakad at kailangang palitan ng diaper. Parang sanggol pero malaki na,” saad ni Jessica.

Pagkatapos niyang tumanggi, dinala siya sa bus station ng Jeddah at binilhan ng tiket papuntang Hail City, kung saan naroon ang opisina ng kanyang foreign agency, ang MADA ALKHALIJ.

Ngunit imbes na matulungan, isa pang kalbaryo ang dinanas ni Jessica sa loob ng agency.

“Pagdating ko sa Mada Agency, kinuha nila ang cellphone at passport namin. Isang beses lang kami makagamit ng cellphone sa loob ng isang linggo at dalawang oras lang. Minsan po wala kaming pagkain, pinagtatrabaho pa kami kahit hindi naman kami officially employed,” pahayag pa ng OFW.

Ayon pa kay Dabalos, umabot siya ng 11 araw sa loob ng agency, at nang hilingin niyang makauwi sa Pilipinas, tinakot umano siya ng manager ng Mada na si Mohammad, na hindi siya maglalabas kahit isang “riyals” para sa kanilang ticket pauwi.

Kalaunan, ipinasok siya ng agency sa isa pang employer na hindi niya man lang nakilala.

“Hindi ko po alam kung sino ang pangalan ng employer ko ngayon, tawag ko lang sa kanya ‘Madam.’ Hindi ko rin alam ang eksaktong address, pero base sa Google Map, nasa Sabbah, King Faisal Road,” dagdag ni Jessica.

Ngayon ay nagtatrabaho siyang mag-isa sa isang tatlong-palapag na bahay na halos walang pahinga.

“Overworked na po ako. Wala akong pahinga. Tingin nila sa akin parang kalabaw. Pero kahit kalabaw, napapagod din. Gusto ko na talagang umuwi. Sana po matulungan ninyo ako,” ang emosyonal na panawagan ni Dabalos.

Nananawagan si Jessica Dabalos sa OWWA, DMW, at sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na siya ay agad na matulungan upang makauwi sa bansa bago pa lumala ang kanyang kalagayan.

69

Related posts

Leave a Comment