NMC DISMAYADO SA MGA POLITIKONG TAHIMIK SA PANGHA-HARASS NG CHINA

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang National Maritime Council (NMC) sa mga lokal na politiko na umano’y tumatangging manindigan para sa mga mangingisdang Pilipino na paulit-ulit na nakararanas ng pangha-harass mula sa China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay NMC Spokesperson Alexander Lopez, nakalulungkot na may mga politiko umanong tila pumapanig pa sa mga pahayag ng kabilang panig sa halip na kondenahin ang mga insidente ng panggigipit sa mga Pilipino sa karagatan.

“Kung ikaw ay salungat ang sinasabi mo sa sinasabi ko, at pinapanigan mo pa yung salita ng kabila. What does it speak of us as a Filipino?” pahayag ni Lopez sa isang panayam.

“Tingnan mo yung mga matataas na politiko, did they condemn ‘yung mga ginagawa ng Chinese government sa ating mga mangingisda sa karagatan, may narinig ba kayo? Until now, wala tayong narinig,” dagdag niya.

Bilang halimbawa, binanggit ni Lopez ang insidente kung saan hinarangan umano ng mga barko ng China ang medical evacuation ng isang maysakit na tauhan ng Philippine Navy, na naging dahilan upang maantala ang paglilipat dito sa isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa opisyal, umabot sa halos 10 oras ang umano’y pagharang bago nailipat ang maysakit na tauhan sa barko ng PCG.

Isa pang insidente ang pagharang umano sa resupply mission sa Ayungin Shoal noong Setyembre 24.

Dahil dito, nanawagan ang NMC sa publiko na magkaisa sa gitna ng patuloy na tensiyon sa WPS at suportahan ang mga hakbang ng bansa upang ipagtanggol ang karapatan nito sa karagatan.

“Iisa po ang kalaban natin dito. Pilipino tayo. Iisa ang dugo natin. Sana po ay magkaisa tayo. Let’s rally behind our flag. Ang karagatan natin ay mahalaga. Ang karagatan ay livelihood, ito ay may kinalaman sa kinabukasan,” ani Lopez.

Noong Hulyo 12, 2016, naglabas ng paborableng desisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) sa kasong inihain ng Pilipinas laban sa China kaugnay ng mga karapatan nito sa South China Sea, kabilang ang mga usapin sa West Philippine Sea.

(CHRISTIAN DALE)

122

Related posts

Leave a Comment