PNP, PDEA ‘TAHIMIK’ SA PINOY NA ITINURONG UTAK SA 521 KILOS SHABU

WALA pang inilalabas na opisyal na kumpirmasyon ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hinggil sa ulat ng mga awtoridad ng Malaysia na isang Pilipino umano ang nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng 521 kilo ng hinihinalang shabu na nasabat sa Laos.

Kasunod ito ng mga ulat na ipinasa na umano ng Malaysian police sa PDEA ang pagkakakilanlan ng indibidwal na nag-book ng private jet na ginamit sa operasyon upang matukoy at maaresto ang pinaghihinalaang utak ng sindikato.

Ayon kay Bukit Aman Narcotics Crime Investigation Department (NCID) Director Datuk Hussein Omar Khan, isang hindi pinangalanang Pilipino ang pinaniniwalaang nag-book at nagbayad ng US$49,500 o humigit-kumulang ₱2.9 milyon para sa pagrenta ng private jet noong Setyembre 23.

Ginamit umano ang Learjet 55B sa biyaheng Laos patungong Maynila, kung saan idineklara ang kargamento bilang mga produktong vape upang maitago ang iligal na droga.

Sa panayam ng media, sinabi ng isang tagapagsalita ng PDEA na hinihintay pa ng ahensiya ang opisyal na ulat mula sa mga dayuhang katuwang nito bago makumpirma ang buong detalye ng insidente.

“We cannot categorically state na dito (Pilipinas) talaga papunta yan because we are still waiting for the official report coming from our foreign counterparts,” ayon sa opisyal.

“This is a private jet that was allegedly hired by some individual. But, as to the complete details, we are still waiting for the final reports,” dagdag niya.

Samantala, kinumpirma ni Atty. Calulut na isang Pilipinong mamamayan ang naaresto sa isang paliparan sa Laos noong Oktubre 1. Gayunman, hindi pa kinukumpirma kung ang nasabing indibidwal ay isang drug courier dahil patuloy pa ang beripikasyon.

Naaresto ang suspek matapos harangin ng mga awtoridad sa Luang Prabang International Airport sa Laos ang naturang private jet noong Oktubre 1, 2026.

Ayon sa mga ulat, may 23 maleta na isinakay mula sa dalawang sasakyan sa paliparan. Sa mga ito, 21 maleta ang naglalaman ng kabuuang 500 pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 521 kilo.

Sinabi rin ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez na bineberipika pa ng kanilang hanay kung Pilipinas nga ang tunay na destinasyon ng nakumpiskang kontrabando.

“We are intensifying our intelligence monitoring and information sharing with regional counterparts to deny opportunities for illegal drugs syndicates either to operate in the Philippines or to make our country a transshipment point for illegal drugs,” pahayag ni Nartatez.

Tiniyak ng PNP na patuloy nitong palalakasin ang intelligence monitoring at pakikipagpalitan ng impormasyon sa mga awtoridad sa rehiyon upang mapigilan ang operasyon ng mga sindikato ng ilegal na droga at ang paggamit sa Pilipinas bilang transit point ng kanilang mga kargamento.

(JESSE RUIZ)

134

Related posts

Leave a Comment