BAGONG BALIK MANGGAGAWA ACT MAKATUTULONG SA MGA OFW

ofw

IKINATUWA ni Senador Christopher “Bong” Go ang pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado sa Senate Bill No. 2423 o panukalang Bagong Manggagawa Act, na naglalayong palawakin at tiyakin ang tuloy-tuloy na tulong sa mga overseas Filipino worker (OFW) na nagbabalik sa Pilipinas.

Layunin ng panukala na magtatag ng mas maayos na sistema ng reintegration para sa mga nagbabalik na OFW sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga programa ng gobyerno para sa trabaho, kabuhayan, pagnenegosyo, pagkilala sa kasanayan at iba pang serbisyo.

Ayon kay Go, hindi dapat natatapos ang suporta ng pamahalaan sa mga OFW sa sandaling umuwi sila sa bansa matapos ang kanilang kontrata sa ibang bansa.

Dapat aniyang magamit ng mga manggagawang Pilipino ang kanilang mga natutuhan at karanasan sa ibang bansa upang makahanap ng trabaho o makapagsimula ng sariling negosyo sa Pilipinas.

Sa ilalim ng panukala, palalakasin ang mga programa sa job counseling, skills retraining, pagkilala sa mga kasanayang nakuha sa ibang bansa at pagbibigay ng tulong sa mga nais magtayo ng negosyo.

Binigyang-diin din ni Go ang pangangailangang tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW, lalo na ng mga napipilitang umuwi dahil sa mga emergency, bago sila tulungang makapagsimulang muli sa bansa.

Kabilang din sa mga isinusulong ng senador ang pagbibigay ng serbisyong pangkaisipan at iba pang tulong upang mapadali ang pagbangon at pag-aangkop ng mga OFW sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Si Go ay isa rin sa mga may-akda at co-sponsor ng Republic Act No. 11641, na lumikha sa Department of Migrant Workers (DMW) upang palakasin ang proteksiyon at mga serbisyong ipinagkakaloob sa mga OFW.

Umaasa ang senador na sa pag-apruba ng panukala sa Senado ay magkakaroon ng mas malinaw na landas ang mga nagbabalik na manggagawang Pilipino tungo sa matatag na hanapbuhay at mas magandang kinabukasan kasama ang kanilang mga pamilya.

(DANG SAMSON-GARCIA)

79

Related posts

Leave a Comment