“HINDI tayo magkukudeta, hindi tayo magmi-military junta, dahil ang kawawa ay ang ating bansa kapag ginawa namin ito.”
Ito ang mariing inihayag ni Armed Forces Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. nitong Biyernes sa panayam ng media sa pagtatapos ng AFP DAGIT-PA joint exercise sa Camp Aguinaldo Quezon City.
Maging si Defense Secretary Gilberto Teodoro ay minaliit lamang ang bantang destabilization laban sa kasalukuyang administrasyon.
Kasabay ng pahayag na sagabal lamang sa kanilang gawain kung iintindihin pa ang mga pinalulutang na destab isyu at umano’y panghihikayat ng retiradong military officers.
Subalit kinumpirma ni Gen. Brawner na kanilang bineberipika kung totoo bang may aktibong sundalo sa hanay ng mga indibidwal na ikinakawing sa umano’y destabilization plot laban sa Marcos administration.
Ayon kay Gen. Brawner Jr., kasalukuyang bina-validate ng military intelligence ang listahan ng umano’y government officials at retired military officials sa likod ng destabilization rumors, na una nang ipinaskil ni Retired Journalist Mon Tulfo sa kanyang social media account.
“Hindi pa nagre-report sa akin ang intelligence community but they are already doing their investigation, especially doon sa active members ng AFP. Doon po sa listahan kasi ay may isa na nakalagay doon. ‘Yun ang talagang tinitingnan natin because we want to make sure na walang active member ng AFP who will be involved in any of these unconstitutional activities,” sa panayam ng media kay Brawner.
“Pag may ganyang sinasabing destabilization plots, kailangang tingnan nang maigi ito,” sabi pa ng heneral, “Kahit tsismis ng destabilisasyon, kailangan seryosohin”.
“Itong mga nananawagan na sumama ang mga sundalo sa rallies at panawagan nila ng coup d’ etat, huwag na po kayong umasa na ang AFP ay gagawa ng unconstitutional activities. We will not resort to unconstitutional means to bring about change. We will stick to the rule of law,” dagdag niya.
Minaliit lamang ni Sec. Teodoro ang posibleng banta dulot ng umano’y panawagan ng mga retiradong opisyal. “Actually, they are very few. The bulk of the retired officials, they do not speak for all retired officials. ”
“They will agitate. They are noisy. But what effect does it have on the ordinary soldier? Maybe on the public, it has… But here, you know, the mission is clear on all [AFP] services.”
(JESSE RUIZ)
7
