NOGRALES NANUMPA KAY VP SARA DUTERTE

(BERNARD TAGUINOD)

NANUMPA bilang kinatawan ng ika-4 distrito ng lalawigan ng Rizal si Rep. Fidel Nograles kay Vice President Sara Duterte sa Davao City.
Si Nograles ay lumamang ng mahigit 60,000 boto sa kanyang dalawang kalaban noong nakaraang eleksyon sa bagong congressional district ng Rizal o ang mismong bayan ng Montalban.

“It is an honor to be sworn in by VP Sara, who has a strong and clear mandate to serve from the people,” ani Nograles.

Miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang mambabatas habang tumatayong co-chairman ng partido ang bagong halal na Pangalawang Pangulo.

Ayon sa mambabatas, lahat ng education agenda ni Duterte na siya rin tatayong kalihim ng Department of Education (DepEd) ay kanyang susuportahan.

“Makakaasa si VP Sara na makikipag-ugnayan at makikipagtulungan tayo sa pagsulong ng kinakailangang legislative agenda para masuportahan ang adhikain niya para sa edukasyon,” ayon sa Harvard-trained lawyer na si Nograles.

Partikular na susuportahan umano ng mambabatas ang pagbabalik ng mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC) na ang layon ay magkaroon ng disiplina at civic-minded na mamamayan.

“Sa dami ng nangyayaring sakuna, makakatulong ang ROTC upang masigurong laging handa ang mga kabataan na humarap sa mga hamon,” paliwanag ng mambabatas.
Sinabi nito na hindi lamang sa military training sasanayin ang ROTC cadets kundi maging sa disaster-preparedness at environmentalism at titiyakin na walang pang-aabusong mangyayari habang sinasanay ang mga ito.

“Sa panahon ng climate change, hindi lang warriors ang kailangan natin, kundi eco warriors na tutugon sa mga sakuna at kikilos upang maibsan ang epekto ng klima sa mga kababayan natin,” banggit ni Nograles.

Bukod dito pinag-aaralan na umano nito kung isasama ang mga pro-environment activities tulad ng reforestation, coastal clean-ups at iba pa sa ROTC bill na nakatakda nitong ihain.

213

Related posts

Leave a Comment