BOHOL – Patay ang isang miyembro ng komunistang New People’s Army habang isang sundalo ang nasugatan sa nangyaring sagupaan nitong nakalipas na linggo sa Brgy. Banlasan sa bayan ng Trinidad sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Philippine Army 3rd Infantry (Spearhead) Division, nagresponde ang mga elemento ng 47th Infantry Battalion, sa pamumuno ni Lt. Col. Allyson A. Depayso, sa Purok Annex, Barangay San Vicente, Trinidad ng nasabing lalawigan kasunod ng sumbong na isang Ruel Quizon na kasapi na bagong tatag na Trinidad-Talibon Integrated Farmers Association, ang binaril at napatay sa loob ng kanyang bahay bandang alas-7:00 ng gabi.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga sundalo na nagresulta sa engkwentro laban sa grupo ng mga NPA na pinaniniwalaang kasapi ng NPA Bohol Party Committee, sa Brgy. Banlasan, Trinidad, bandang alas-9:00 ng gabi,
Sa impormasyong ibinahagi ni 1Lt. Elma Grace R. Abulencia, 3rd ID Civil-Military Operations Officer, tumagal ng sampung minuto ang bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng isang kasapi ng communist terrorist group na kinilalang si Joel Soria alyas “Joyjoy”.
Habang tumatakas ay patuloy namang humahabol ang mga sundalo kaya nagkaroon ulit ng sagupaan sa Brgy. San Vicente, Trinidad na ikinasugat ng isang sundalo nang masabugan ng inihagis na granada ng mga rebelde. (JESSE KABEL)
