NPA REVOLUTIONARY TAX COLLECTOR, SUMUKO

UNTI-UNTI nang nanunumbalik ang tiwala ng mga kasapi ng rebeldeng NPA sa gobyerno at patunay rito ang kanilang sunod-sunod na pagbabalik-loob.

Sa probinsya ng Masbate, isa na namang miyembro ng rebeldeng samahan ang piniling muling tahakin ang maayos, marangal at tahimik na pamumuhay.

Sumuko sa pinagsamang mga operatiba ng Pio V. Corpus MPS; PIU at 2nd PMFC ng Masbate PPO; PIT-RIU5, at IOS FIID PNP-SAF ang isang rebeldeng itinago sa pangalang “Marita”.

Siya ay aktibong miyembro ng Larangan 2, Komite ng Probinsya 4 sa ilalim ng COMPROB ng Rogelio Suson aka “Ka Manong” na nakatuon ang operasyon sa ikatlong Distrito ng Masbate. Ayon pa sa kanyang salaysay, siya ay nahikayat sumali sa samahan noong taong 2009.

Ang naturang rebel returnee ay aktibong nakikibahagi sa mga aktibidad ng rebeldeng samahan bilang kolektor ng rebolusyonaryong buwis partikular na sa mga politiko at mga negosyante sa munisipalidad ng Pio V. Corpus, Masbate.

Ang mga pera umanong nakukuha nito ay kanyang inihahatid sa iba pa nitong mga kasamahan na nakabase sa Brgy. Tawad at Brgy. Baras ng Esperanza, Masbate.

Ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro ng NPA ay bunsod na rin nang pinalakas na Retooled Community Support Program na ipinatutupad ng PNP Bicol sa pamumuno ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, upang hikayatin ang mga rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan. (JESSE KABEL)

578

Related posts

Leave a Comment