NURSES NA DUMULOG SA AKO OFW, NAKAUWI AT NABAYARAN NG AHENSYA

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

UNANG nailathala sa ating kolum noong Oktubre 19, 2020 ang panawagan ng pitong nurses sa Riyadh, Saudi Arabia upang sila ay makalaya sa kulungan dahil sila ay ipinakulong ng kanilang amo na nagmamay-ari ng All Care Medical Care.

Nagsimula ang problema ng grupo ni Kimberly Kho dahil lamang sa kanilang pagrereklamo sa Ministry of Labor sa Saudi Arabia dahil hindi sila binabayaran nang tamang suweldo at wala ring overtime pay na ibinibigay ang kanilang employer.

Dahil sa kanilang pagdulog sa gobyerno ng Saudi Arabia ay binuweltahan sila ng kanilang employer at sinampahan sila ng kasong pagnanakaw ng kama, washing machine at bed sheets. Bukod pa rito ay kinasuhan din sila ng paninira ng kagamitan ng kanilang klinika gayong ang katotohanan ay wala namang klinika ang nasabing employer dahil ito ay isa lamang home care service provider na kung saan ang nasabing mga nurse ay ipinadadala lamang sa iba’t ibang tahanan o institutions para roon manilbihan.

Tatlong taong nagdusa sa loob ng kulungan ang 7 nurses na ito dahil sa kasalanan na hindi naman nila ginawa. Bagama’t sila ay binigyan naman ng legal assistance ng ating embahada ay tila may pagkukulang sa kakayanan ng ating mga abogado na hindi man lamang naipanalo ang kasong malinaw na gawa-gawa lamang para lamang gipitin ang ating pobreng nurses.

Marahil ay dapat na talagang busisiin ang pinagkakagastusan ng Legal Assistance Fund (LAF) ng Department of Foreign Affairs. Noong ako ay nasa bansang Kuwait bilang OFW, ay ito ang malimit naming reklamo dahil ang mga abogado na kinukuha ng embahada ay mga pipitsugin na ang tanging alam yata ay magpaareglo sa kaso.

Naalala ko pa noon na iminumungkahi ko sa bawat ambassador na madedestino sa Kuwait na kung maaari ay kunin ang serbisyo ni Sheikha Fawsia Al Sabah na kilalang mahusay na abogado at pamangkin ng Amir ng Kuwait. Ngunit hindi umusad ang bawat pulong ng embahada at ni Sheikha Fawsia na ‘di naglaon ay nagtapat sa akin si Sheikha Fawsia na hinihingian kasi siya ng komisyon ng ilang opisyal ng embahada kaya hindi niya tinatanggap ang kaso.

Sa oras na pormal nang magsimula ang Department of Migrant Workers ay direkta na nitong mahahawakan ang Aksyon Fund na naglalaan ng pondo para sa legal assistance ng ating mga OFW at tiyak na may pagbabagong magaganap sa ilalim ng pamumuno ni Usec. Hans Cacdac upang masiguro na ang karapatan at kapakanan ng bawat OFW ay tunay na maipaglalaban.

Nakauwi na ang tatlo sa pitong nurses matapos ang tatlong taon na pagdurusa sa kasalanang hindi nila ginawa. Maagap namang nakipag-ugnayan ang ahensya nito na Top Joby International na bayaran ang mga danyos na kanilang hiniling kung kaya masaya na ang grupo nina Kimberly dahil muli raw silang makapagsisimula ng kanilang buhay kapiling ang kani-kanilang pamilya.

279

Related posts

Leave a Comment