Ni ANN ENCARNACION
MAKUHA ang Top 2 spot at natitirang twice-to-beat advantage ang misyon ng Barangay Ginebra sa ongoing PBA Commissioner’s Cup.
Nakatakdang sagupain ng Ginebra, may 7-2 panalo-talo, ang nanganganib mapatalsik na NLEX (3-7) sa tampok na laro sa 5:45 ng hapon ngayon (Biyernes) sa PhilSports Arena.
Bago ito, maghaharap sa alas-3 ng hapon ang parehong naghahabol mapabilang sa Magic 8 na Blackwater (3-8) at Rain Or Shine (4-6).
Kasalukuyang pangatlo sa standing ang Gin Kings at kung magwawagi kontra Road Warriors ay tatabla sa pumapangalawang Magnolia Hotshots (8-2).
Tanging No. 1 at 2 ang makakakuha ng twice-to-beat advantage, na una nang nasungkit ng guest team Bay Area Dragons (10-2).
Ratsada ngayon ang Kings, may limang sunod-sunod na panalo at patuloy pang lumalakas sa pangunguna ng kanilang resident import at malapit nang maging Pinoy na si Justine Brownlee.
Nitong Lunes ay inaprubahan ng Senate Justice and Human Rights Committee ang proposed Filipino citizenship ng 34-anyos na si Brownlee. Siya ay may five championships at two-time Best Import sa Ginebra, at inaasahan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) maging naturalized player ng Gilas para sa sixth window ng FIBA Asian qualifiers sa 2023.
