NURSES NAGHIHINAGPIS AT NAGTATAMPO NA SA IATF

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

TUMULO ang luha ng maraming pinuno ng mga OFW organizations sa ginanap na Zoom meeting na pinangunahan ng aking kaibigan na si Gemma Sotto ng United Filipino Global (UFG) matapos na magsalita si April Glory na kumakatawan sa mga OFW nurses.

Ang Zoom meeting ay dinaluhan ni Department of Labor and Employment (DOLE) ­Secretary Bebot Bello, International Labor Affairs Bureau (ILAB) Director Alice Visperas at Overseas Workers

Welfare Administration (OWWA) OIC Deputy Administrator Rossane Catapang.

Simula pa lamang  ng pagsasalita ni April Glory  ay sadyang tumulo na ang kanyang luha at tuluyan nang humagulhol na parang isang anak na nagsusumbong sa kanyang Tatay na si Sec. Bello.

Ayon kay April Glory  ay lubha na silang naapektuhan sa desisyon ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) dahil sa ipinalabas nitong resolution na pumipigil sa deployment ng Filipino Nurses sa ibang bansa na sinundan naman ng Philippine Overseas ­Employment Administration (POEA) Governing Board Resolution No. 9 adopted in April 2020.

Diumano ay marami na sa kanila ang nakabili na ng plane ticket at ang iba ay tuluyan nang nawalan ng trabaho dahil nag-resign na sa kanilang pinagtatrabahuhan dahil sa akala na sila ay papayagan ng makalipad patungo sa ibang bansa.

Reklamo ng mga nurse, hindi na sila dapat pigilan ng ­gobyerno na makapaglakbay sa ibang bansa upang doon makapagtrabaho at pilitin pa na sa mga lokal na ospital muna magserbisyo.

Ang katotohanan ayon kay April Glory, sa ­kasalukuyang sitwasyon na nakaharap sa pan­demya ang buong mundo, napakaliit lang naman daw ng porsiyento o bilang ng nurses ang totoong gustong umalis ng bansa.

Bukod pa rito, katwiran din nila na kahit pa sila ay pigilan ng POEA ay hindi rin naman sila nagtatrabaho sa mga ospital para sa mga COVID-19 cases, suma total ay nakatambay lamang naman din sila sa kanilang bahay at walang kapakinabangan ang ating gobyerno.

Idinagdag pa ng grupo ng nurses na sila ay nakapirma na ng kanilang kontrata sa ibang bansa, kung kaya karamihan sa kanila ay hindi na rin maaring mamasukan ng trabaho sa mga ospital sa

Pilipinas dahil pursigido naman sila na maglakbay.

Nauunawaan ko ang damdamin ng nurses na nagbabalak na mangibang bansa, dahil sa totoo naman ay hindi kayang tapatan ng mga ospital sa Pilipinas ang sweldo na kanilang tatangapin sa ibang bansa.  May magagandang oportunidad na nag-aabang sa kanila sa abroad na hindi kayang ibigay ng pangkaraniwang mga ospital sa Pilipinas.

Gayundin ang aking pag-u­nawa sa katayuan at ­paninindigan ng ating ­­gobyerno na “pansamantala” munang pigilan ang mga medical ­pro­fessionals na kinabibilangan ng mga nurse na huwag na munang lumabas ng bansa sa panahon na may kinakaharap na  krisis na dulot ng pandemya ang Pilipinas.

Hinahangaan ko si Sec. Bebot Bello sa kanyang ­maayos na pagharap at pagtugon sa kahilingan ng mga nurse. Damang-dama na mula sa kanyang puso  ang pagmamalasakit sa kalagayan ng nurses. Gayunpaman, kasama ang AkoOFW sa panawagan sa IATF na pakinggan ang kahilingan ng mga nurse na makapaglakbay na patungo sa ibang bansa at i-lift ang deployment ban ng nurses.

                                                                                                                                                                             oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin  sa e-mail  address  saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa  (02)84254256.

238

Related posts

Leave a Comment