NAKAKITA na ang Philippine Athletics Track And Field Association (PATAFA) ng kapalit ni Olympian pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa katauhan ni Hokett Delos Santos.
Ipinahayag ng PATAFA kahapon na si Delos Santos ang magrerepresenta sa bansa sa pole vault sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo.
Kabilang ang 19-anyos na atleta sa siyam-kataong pumasa sa qualifying standard sa ginaganap na Milo-PATAFA 2022 SEA Games Performance Trials na isinasagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Congratulations to all the athletes that hit the Games Performance Trials!,” ayon sa socmed post ng national athletics association.
Si Delos Santos, nagwagi ng gintong medalya sa SEA Youth Championships, ay matagumpay na nalundag ang 5.0 metro sa ginanap na Games Performance Trials sa Baguio City.
Maliban sa kanya, ang walong iba pang sasabak sa Vietnam ay sina heptathletes Alexei Camioso at Sarah Dequinanm; shot putter Albert Mantua, men’s 1500m Mariano Masamo, men’s 1500m Alfrence Braza at men’s 1500m Luie Agawa.
Otomatiko namang kasama ang mga nagwagi ng gintong medalya sa nakalipas na 30th SEAG sa Manila na sina decathletes Aries Toledo at Janry Ubas.
