WALANG susuko.
Ganito ang kapwa paninindigan ni world no.5 at Asia pole vault record holder Ernest John “EJ” Obiena at ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa isinasagawang mediation ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ayon sa isang reliable source, nagmatigas ang national athletics federation sa desisyon nitong hindi iendorso si Obiena sa nakatakdang Southeast Asian Games na gaganapin sa Mayo 12 hanggang 23 sa Hanoi, Vietnam.
Maliban sa SEA Games, malabo na rin makalahok si Obiena sa world indoor championships sa Marso 18 hanggang 20 sa Belgrade, Serbia; world athletic championships sa Eugene, Oregon sa Hulyo; at Asian Games sa Hangzhou, China sa Setyembre.
Kung matutuloy sa Belgrade meet, siya sana ang kauna unahang full-blooded Pinoy na sasabak sa global event. Nag-qualify siya sa world meet matapos magbulsa ng dalawang gintong medalya sa European indoor circuits.
Sa Perche Elite Tour sa Rouen, France noong Linggo kung saan siya nag-silver medal, naitala naman ni Obiena ang kanyang season’s best at bagong national record na 5.91 meters.Samantala, animo may agam-agam na siya na hindi makakakuha ng endorsement sa PATAFA, base sa kanyang socmed post matapos ang naturang torneo.
“Kung ang @pet_rouen (Perche Elite Tour de Rouen) ang aking huling panloob na kompetisyon ng taon, nagpapasalamat ako. I never thought this season would even be possible, more so a new personal best and a national record,” FB post ni Obiena.
Umani naman ng batikos sa Philippine Olympic Committee ang pagtanggi ng PATAFA na iendorso si Obiena sa mga nabanggit ng regional at world competitions dahil sa umano’y nawalan ng ‘sure gold’ ang bansa lalo sa SEAG at Asian Games.
Inaakusahan ng PATAFA ang pole vault Olympian ng pandaraya sa liquidation sa mga nagastos sa Tokyo Games, kasama na ang hindi pagpapasweldo sa kanyang Ukranian coach na si Vitaly Petrov.
At kahit itinanggi na ito nina Obiena at Petrov, tuluyang tinanggalan ng allowance ng PSC ang una, bukod sa tuluyan siyang inalis ng PATAFA sa national athletics pool sa 31st SEAG. (ANN ENCARNACION)
