BAHAGI ng patuloy na relief operations bunsod ng pinagsama-samang epekto ng bagyong Crising, Dante at Emong na pinalala ng nararanasang Habagat na naging sanhi ng mga pagbaha, landslide, ipinadala ng Office of Civil Defense (OCD) Central Office ang limang 10-wheeler trucks na may lulan na essential non-food items (NFIs) sa OCD Regional Office I.
Inihatid ang non-food items sa mga bodega ng OCD Region I sa Pagdalagan, San Fernando City, La Union.
Ayon sa Office of the Civil Defense, tatlo sa mga ito ay naglalaman ng mahigit 2,500 kitchen sets na makatutulong para sa mga manunumbalik sa normal na pamumuhay makaraang salantain ng bagyo.
Habang dalawang truck ang naglalaman ng shelter repair kits gaya ng martilyo, pako at iba pa para sa mga magkukumpuni ng kani-kanilang mga bahay na nasira noong nagdaang bagyo.
Pinasalamatan naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, national chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), si Sulu Governor Abdul Sakur Tan na nagpadala ng 2,000 sako na bigas at 1,000 kahon ng noodles para sa mga biktima ng pagbaha.
Una nang sinabi ni OCD Acting Director Asec. Bernardo Alejandro IV na kinikilala ng ahensya ang epektibong pagtugon, hindi lamang sa paghahatid ng relief goods, kundi maging ang kagustuhan ng ating mga kababayan na bumangong muli mula sa pinagdaanang sakuna o krisis.
“The ongoing relief mission also embodies the Filipino culture of ‘damayan at pagkakaisa sa gitna ng sakuna,’ as reflected in the strong show of solidarity from across the country. One powerful example is the timely donation from the Province of Sulu, led by Governor Abdusakur Tan,” ani Sec. Teodoro.
“Sa ngalan po ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Office of Civil Defense at lahat po ng ahensya, sa ngalan po ng ating Pangulo, Ferdinand R. Marcos Jr., nagpapasalamat po kami sa mga tao at mga kababayan natin sa Lalawigan ng Sulu sa pangunguna ng ating Gobernador, Abdusakur Tan, sa kanilang donasyon ng 2,000 sako ng bigas at 1,000 kahon ng noodles para po sa mga biktima nitong nakaraang mga bagyo ” ani Sec Teodoro.
“Si Governor Tan po ay kaagad-agad na nag-volunteer, wala pong hiling na magbigay ang mga tao ng Sulu, sa kanyang pangunguna ng nasabi pong mga relief goods on the first day na tumama po ang weather disturbance. Kami po nagpapasalamat sa kanilang pagpapakita ng solidaridad at pakikiisa at pakikiramay sa ating mga biktima. Mabuhay po kayo, mga kapatid nating taga Sulu.
Magsukul!” ayon sa kalihim. (JESSE KABEL RUIZ)
109
