NAMUMURONG mauwi sa constitutional crisis ang pagdedeklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte dahil pinakialaman ng Korte Suprema ang trabaho ng Kongreso.
Ito ang babala ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno kaugnay ng desisyon ng SC noong Biyernes kung saan 13 mahistrado ang sumang-ayon sa sinulat na desisyon ni Senior Associate Justice Marvic Leonen habang isa ay nag-inhibit at on-leave naman ang isa pa.
“Never sa history natin, sa jurisprudence natin na nangyari na nag-clash ang dalawang power na ‘yan (Kongreso at SC). Ngayon lang nangyari yan so depende sa galaw ng Senado at Supreme Court, maaaring magkaroon tayo ng constitutional crisis,” ani Diokno.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil maghahain ng motion for reconsideration (MR) ang Kongreso habang itutuloy umano ng Impeachment Court ang kanilang trabaho sa Agosto 4 sa kabila ng SC decision.
Taguan ng Tiwali
“The dismissal of the impeachment sets a dangerous precedent. Lahat ng tiwaling politiko, pwedeng magtago sa likod ng Supreme Court at takasan ang pananagutan sa sambayanan,” ayon naman kay Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña.
Inayunan naman ito ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio dahil sa desisyon aniya ng SC, mahirap nang mapanagot ang mga korup sa Pilipinas kung saan ang mamamayan ang kanilang pinagnanakawan.
“Ang desisyong ito ay tahasang pagtataksil sa mamamayan, lalo na sa mga guro at kawani ng edukasyon na araw-araw ay nagsasakripisyo para sa bayan. Hindi dapat maghintay ang taumbayan ng panibagong taon bago panagutin ang mga naglustay ng pondo ng bayan,” ayon naman kay dating ACT Teacher party-list rep. France Castro.
Gayunpaman, hindi umano titigil ang mga ito na habulin si Duterte para panagutin sa kanyang pagkakasala sa taumbayan. (BERNARD TAGUINOD)
134
