Morales Stage 10 winner pero…
VIGAN CITY, Ilocos Sur – Inangkin ni two-time champion Jan Paul Morales ng Philippine Navy-Standard Insurance ang ikatlo nitong lap victory nang manguna sa Stage 10 criterium race ng 10th Ronda Pilipinas.
Sa kabila nito, tinanghal na bagong kampeon ang kakampi niyang si George Oconer sa pagtatapos ng ika-10 taon ng LBC Ronda Piipinas na nagsimula sa Sorsogon at nagtapos sa harap ng Vigan Provincial Capitol kahapon.
Muling ipinakita ng 34-anyos na si Morales ang kanyang utak sa matinding sprint upang singitan ang dalawa nitong kakampi sa Navy na sina Ronald Oranza at Junrey Navarra upang muling walisin ng Navymen ang mga nakatayang premyo sa kada yugto sa itinalang 51 minuto at 20 segundo.
Si Morales din ang nagwagi sa Stage 6 at 7. Ngunit nabigo siya at ang pinakabatang miyembro ng Navy na si Lance Allen Benito na hindi nakatuntong sa Top 10 ng overall classification matapos na magsakripisyo ito sa ikaapat na yugto at paunahin ang mga kakampi upang agawin ang liderato at tuluyang dominahin ng Navymen ang karera.
“Ganunn po talaga ang teamwork. Kapag nababantayan ka, kailangan na isa sa mga kakampi mo ang gagawa ng paraan para masiguro namin na maisasagawa ang plano at makukuha namin ang bawat posibleng panalo,” sabi ng mula Calumpang, Marikina na si Morales.
Tumapos naman sa ikaapat at ikalima sina Jerry Aquino Jr at Rex Luis Krog ng Scratch It, ikaanim at ikapito sina Rustom Lim at Marcelo Felipe ng 7-Eleven, Ismael Grospe Jr. ng Go for Gold, ikasiyam si Ronald Lomotos ng Navy at ika-10 si Ryan Tugawin ng Tarlac Central Luzon.
Bitbit ang checkered flag na simbolo ng pagiging kampeon, tinawid ni Oconer, ika-16 na puwesto lang sa last lap, ang finish line tungo sa pagsungkit sa kanyang unang korona sa Ronda Pilipinas matapos na maghintay ng kabuuang 10 taon simula na sumali noong 2011 bilang miyembro ng national pool.
“Nagpapasalamat po ako sa lahat ng sumuporta sa akin, laluna sa mga kakampi ko na tumulong sa akin para makumpleto ko po ang matagal ko nang pangarap,” sabi ng 28-anyos na si Oconer, anak ng dating Marlboro Tour veteran at dalawang beses naging Olympian na si Norberto Oconer.
Ikaanim na taon din na nadomina ng Navy ang Ronda Pilipinas.
Napunta kay Morales ang Sprint King sa natipong 27 puntos habang pumangalawa si Ronnel Hualda ng Go for Gold (22 puntos) at Arjay Peralta ng Team Nueva Ecija.
Ang King of the Mountain title ay iniuwi ni El Joshua Carino sa tinipong 39 puntos, kasunod ang mga kakampi na sina Junrey Navarra (28 puntos) at John Mark Camingao (20 puntos).
Winalis naman ng Go for Gold ang Under 23 General Classification sa pagwawagi nina Daniel Ven Carino, Ismael Grospe Jr at Jericho Jay Lucero.
Inuwi naman ng Navy ang Overall Team classification sa isinumiteng 127:23:33 oras, kasunod ang Go for Gold at ikatlo ang Bicycology Shop–Army. ANN ENCARNACION
