BUMABA ng 17 porsyento, o katumbas ng tinatayang 4.5 milyong pamilya, ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap, ayon sa inilabas na pag-aaral ng OCTA Research nitong Martes.
Batay sa Tugon ng Masa survey, 37 porsyento o humigit-kumulang 9.8 milyong pamilya ang nagpakilalang mahirap noong Disyembre 2025, mula sa 54 porsyento o 14.3 milyong pamilya noong Setyembre 2025. Ayon sa OCTA, ito ang pinakamalaking single-quarter drop sa kasaysayan ng kanilang survey.
Sa food poverty rating, bumaba rin ito mula 49 porsyento noong Setyembre 2025 tungo sa 30 porsyento o katumbas ng 7.9 milyong pamilya noong Disyembre. Ibig sabihin, tinatayang limang milyong pamilya ang nakaramdam na mas kaya na nilang matugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkain sa loob lamang ng isang quarter.
Gayunman, nananatiling mataas ang negatibong self-ratings sa Mindanao, kung saan 67 porsyento ang nagsabing mahirap at 64 porsyento ang food-poor. Sa Visayas, 40 porsyento ang itinuturing na mahirap at 33 porsyento ang food-poor.
Ayon sa OCTA Research, ipinapakita nito ang patuloy na regional disparities sa bansa at ang pangangailangan ng mga polisiya na angkop sa bawat rehiyon.
Para sa mga pamilyang food-poor, tinatayang P5,000 na dagdag na buwanang kita ang kailangan upang makaahon sa food poverty, mula sa kasalukuyang kabuuang gastusin na P10,000.
Ipinapakita nito na kahit maliit na pagbabago sa kita o presyo ay may malaking epekto sa pananaw ng mga pamilya hinggil sa food security.
Samantala, tumaas ang self-rated hunger sa 16 porsyento o tinatayang 4.2 milyong pamilya, mula sa 11 porsyento noong Setyembre 2025. Pinakamataas ang insidente ng gutom sa Metro Manila at Visayas na parehong may 22 porsyento, at sa Mindanao na may 19 porsyento. Karamihan sa mga apektadong pamilya ay nakaranas ng gutom paminsan-minsan at hindi palagian.
Isinagawa ang survey sa 1,200 respondents sa buong bansa sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Disyembre 3 hanggang 11, 2025, na may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
(JESSE RUIZ)
61
