INAKUSAHAN ng mga kongresista sa Kamara ang OCTA Research group na umano’y sinakyan lamang ang pandemya sa hangaring itaguyod ang pangalan sa gitna ng pandemya bilang istratehiya sa pagkalap nito ng mga kliyenteng hanap ay paborableng resulta ng mga political surveys.
Sa lingguhang Ugnayan sa Batasan forum na ginanap kahapon, kapwa sinabi nina House committee on good government and public accountability chairman Michael Aglipay at Deputy Speaker Lito Atienza na gusto lang gumawa ng pangalan ang OCTA at nagamit ng mga ito ang pandemya sa pagnanais na sumikat.
“Nagamit tayo (ng OCTA) dito, nagamit ang pandemic,” ani Aglipay kaugnay ng walang puknat na ingay na ginawa ng nasabing grupo sa loob ng 18 buwan.
Aniya, tagumpay ang OCTA sa target nitong magkaroon ng isang “pangalan.”
Ayon naman kay Atienza, kaduda-duda ang OCTA na di naman kilala pero dahil sa pandemyang pinapelan ay biglang umingay – kaya naman ngayon, pati political surveys meron na aniya ang nasabing grupo.
“Bigla silang naglabas ng survey – pulitika naman. Na kung ang halalan ay gagawin ngayon ay ganito, ganito. Eh nakakapagtataka talaga. Ano ito, are they scientists, technicians, masters, experts or political operators,” ani Atienza.
“Baka nagbi-build-up ng pangalan ito para kapag sinabi nila ang mananalo ay Michael Aglipay, maraming boboto kay Aglipay,” dagdag pa ng mambabatas hinggil sa pagsasalit ng nasabing grupo ng political surveys bukod pa sa mga nakagigimbal nitong “pag-aaral at pagsasaliksik kaugnay ng pandemya.”
Walang planong busalan
Paglilinaw ni Aglipay, hindi rin naman nila nais na busalan ang OCTA dahil karapatan ng bawat Filipino na magsalita sa demokratikong bansa tulad ng Pilipinas.
“Walang gag order,” ayon sa mambabatas subalit kailangan munang suriin ang mga report mula sa OCTA dahil ang datos na ginagamit ng mga ito ay galing din sa Department of Health (DOH) at sila lamang ang naghahayag batay sa kanilang pananaw.
Lalong kailangang pag-ingatan aniya ang mga prediksyon ng OCTA dahil lumabas umano sa survey ng kanyang komite na 78% umano ang kanilang margin of errors.
Pag-amin ng mambabatas, nakatanggap sila ng reklamo mula sa mga negosyanteng naiinis na umano sa OCTA projections. Matinding dagok anila sa kanilang kabuhayan ang mga nakagigimbal na projections at forecast na inilalabas ng mga ito kaugnay ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)
