OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
ISANG OFW na humingi ng saklolo sa OFW JUAN ng SAKSI NGAYON, ang matagumpay na nakauwi sa Pilipinas matapos ang sinapit na pang-aabuso sa Saudi Arabia.
Ang ating kabayan na si Lilia Mae Abawan, ay isang household service worker sa Riyadh, Saudi Arabia, na dumulog sa ating SAKSI NGAYON upang humingi ng tulong matapos makaranas ng physical, verbal, at sexual abuse mula sa kanyang mga amo.
Ibinahagi ni OFW Lilia Mae na matagal na siyang nagrereklamo sa kanyang Philippine agency – Hirotiger Inter Agency Inc., at sa foreign agency – Sofraa Recruiting Agency sa Riyadh, ngunit walang naging aksyon.
Sa kanyang salaysay, sinabi niyang siya ay tino-torture ng kanyang among babae at minamanyak ng among lalaki.
“Araw-araw po akong pinapagawa kahit sobrang init. Pinaglalakad ako nang malayo papunta sa tindahan kahit tanghaling tapat. Kapag nagpahinga ako, sinisigawan at pinapagalitan ako. Minsan kahit nakahiga na ako, tinatawag pa rin para magtrabaho hanggang hatinggabi.”
Sa tulong ng OFW JUAN sa SAKSI NGAYON, at mga kaagapay sa DMW at OWWA, naisakatuparan ang repatriation ni Lilia Mae Abawan.
Siya ay nakauwi na sa Pilipinas noong Setyembre 30, 2025 sa pamamagitan ng Cathay Pacific flight mula Riyadh, KSA, at ligtas na nakarating sa NAIA kung saan siya ay sinalubong ng mga kinatawan ng gobyerno at tagasuporta ng OFW JUAN.
Ang kanyang kaso ay isa lamang sa daan-daang real-life stories ng ating mga kababayang OFW na patuloy na nakararanas ng pang-aabuso sa ibang bansa — ngunit sa tulong ng pagkakaisa, malasakit, at mabilis na aksyon ng mga organisasyong tumatayo para sa kanila, may pag-asa at hustisya pa rin para sa ating mga modernong bayani.
Ang OFW JUAN sa SAKSI NGAYON ay patuloy na tumatanggap ng mga hinaing at panawagan ng tulong mula sa ating mga OFW sa buong mundo. Kung ikaw o ang iyong kakilala ay nangangailangan ng tulong, maaari kayong makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng aming opisyal na Facebook page OFW JUAN.
