KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang OFW na nakilalang si Tarang Sabrina Abol, 29-taong gulang na kasalukuyang nasa bansang Saudi Arabia.
Sa mga larawan na ipinadala sa akin ng kanyang pamilya ay makikita na halos ang buong katawan nito ay nalapnos na naging sanhi ng kanyang kamatayan noong Agosto 20 taong kasalukuyan.
Ayon sa kwento ng kanyang tiyuhin na aking personal na nakausap ay sinabi nito na ang kanyang pamangkin na si Tarang ay nagtungo sa supermarket upang mamili ng mga gamit at pagkain na kanyang ipasasalubong sa kanyang pamilya dahil sa nalalapit na nitong pag-uwi sa Pilipinas.
Ngunit sa kanyang paglabas ng nasabing supermarket ay nakita siya ng hindi nakilalang mga kabataan at siya ay tila pinaglaruan o iniinis at sa bandang huli ay binuhusan ng asido ang kaawa-awang OFW. Agad naman siyang isinugod ng kanyang amo sa ospital ngunit hindi rin nito kinaya ang pagdurusa dahil sa pagkalapnos ng halos buong katawan nito at siya ay tuluyan nang binawian ng buhay.
Samantala, ang kapatid ni Tarang ay labis na nakikiusap na sila ay matulungan. Sa mensahe na ipinarating sa AKOOFW ay sinabi nito na “Gusto lang po namin na maiuwi na po dito ‘yung katawan ng aking kapatid na si Tarang Sabrina Abol siya po ay pumanaw na noong August 20, 2021. Sana po tulungan po ninyo kami makamit ang hustisya para sa kapatid namin na namatay”.
Tinatawagan natin ng pansin ang ahensya na nag-deploy kay Tarang na Prime Goal International Manpower na makipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs at sa Philippine Overseas Employment Administration upang masigurong mabibigyan ng hustisya ang sinapit ni Tarang sa kamay ng mga walang pusong tao sa Saudi Arabia.
Sana ay mapagtuunan ng pansin ito nina Ambassador Adnan Alonto at Usec. Sarah Arriola ng DFA Office of Migrant Workers Affairs.
Sa hanay naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay akin itong tututukan at bibigyan ng pansin upang masiguro na ang lahat ng benepisyo na dapat matanggap ng pamilya ay maibibigay ng OWWA.
Maging babala sana sa lahat ng mga OFW sa Saudi Arabia ang pangyayaring ito upang kanilang dagdagan nang higit na pag-iingat ang kanilang sarili upang maiwasan na mapahamak sa loob at labas ng kanilang pinagtatrabahuan.
Ang AKOOFW ay labis na nakikidalamhati sa buong pamilya ni Tarang at patuloy tayong mananawagan na mabigyan ng hustisya ang sinapit ni Tarang.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com
278 