OFW PENSION PLAN, ISINUSULONG NG AKOOFW

NITONG nakaraan Marso 8,2021 ay nabigyan ng pagkakataon ang AKOOFW upang makasasama sa public hearing sa Senado sa ilalim ng Committee on Labor, Employment and Human Resources ­Development na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva.

Bukod sa AKOOFW ay kasama rin sina dating Undersecretary Susan Ople ng OPLE Policy ­Center, Ellen Sana ng Migrant Watch, Saga Migcawayan-RADI, Lucy Sermonia–CLADS at iba pang kinatawan ng OFW organization.

Sa imbitasyon na aking natanggap ay pinagpauna na limang (5) minuto lamang ang ibibigay sa bawat representante ng private sector pero bigla itong nagbago bago pa man magsimula ang ­sesyon at ginawa na lamang 3 minuto ang gagawin naming pagsasalita.

Hindi ko na nagawang basahin ang aking inihandang opening statement dahil ayoko naman dumating ang pagkakataon na ako ay patigilin sa pagsasalita, kaya ang ginawa ko ay nagsalita na lamang ako base sa aking personal na kaalaman na nagmumula sa aking puso.

Nabigyan diin ko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang departamento na mangangalaga sa mga OFW na katulad ng DOFil o DOFW.

Bilang halimbawa ay sinabi ko na sa tuwing ang isang OFW ay kinakailangan na makauwi sa Pilipinas ay mayroon na agad kalituhan.

Kapag kasi ang OFW ay may kontrata at ahensya pa, ang kanyang repatriation request ay dapat dumaan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Repatriation unit. At kung wala naman kontrata at ahensya ay sa Overseas ­Workers Welfare Adminitration (OWWA) ­Repatriation and Assistance Division dapat magtungo.

Samantala ang mga undocumented o illegal na nagtungo sa ibang bansa ay sa Department of Foreign Affairs-Office of Undersecreatary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) dapat lumapit para matulungan.

IIang problema pero ibat-ibang ahensya ang dapat na puntahan. Samantala kung magkakaroon ng iisang departamento na mangangalaga sa OFW ay hindi mistulang chubibo ang mga OFW na humihingi ng tulong.

Ngunit ang aking mas higit na nabigyan ng pansin ay ang aking pagpuri sa isinusulong na Senate Bill 1949 ni Senador Bong Go. Sa bill na ito kasi ay nakapaloob ang posibleng pagkakaroon ng isang social security system na katulad ng OFW Pension Plan na matagal ng isinusulong ng AKOOFW.

Taong 2016 pa lamang ay amin nang pinupursige sa AKOOFW na mapansin ang ­ating kahilingan na magkaroon ng OFW Pension plan.

Isinusulong ng AKOOFW na ang pondo ng OWWA ay gamitin sa social security ng mga OFW at hindi lamang sa welfare services.

Sa aking pananaw ay dapat sa tuwing oras na ang OFW ay magkaroon ng problema katulad ng pagkamatay, namaltrato at iba pa, ay dapat na ang ating ­gobyerno ang maglaan ng pondo .

Sa kasalukuyang sitwasyon kasi, sa tuwing oras na nangailangan ng tulong ang isang OFW, ang perang ipinagkakaloob sa kanya ay nagmumula sa pondo na inambag mismo ng mga OFW mula sa $25 na ambag kada taon. Dapat naman siguro na ­maiparamdam ng gobyerno na ang mga tinatawag na bagong bayani ay mabigyan ng karampatang tulong hindi lamang sa tuwing panahon ng pandemya.

Napakahalaga ng OFW ­Pension plan para sa mga OFW, dahil karamihan sa kanila ay hindi nakakapagipon ng para sa kanilang sarili dahil prayoridad nila lagi ay ang kanilang pamilya at panghuli na lamang ang kanilang sarili.

Umaasa ang AKOOFW na sa final version ng DOFW o DOFIL ay mababangit na rito ang pagkakaroon ng OFW Pension Plan.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

447

Related posts

Leave a Comment