OLIGARCH DUMAMI SA ADMIN NI NOYNOY

DUMAMI ang oligarch noong panahon ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Ito ang datos na iniharap ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kanilang virtual press conference nitong Biyernes kaugnay ng usapin ng mga oligarkiya sa bansa.

Ayon kay Brosas, base sa Forbes World Top Billionaire, umaabot na sa 17 ang oligarch sa Pilipinas noong 2017 na isang patunay na patuloy ang pamamayagpag ng mga ito.

Nabatid sa mambabatas na noong panahon ni PNoy ay 9 ang naidagdag sa top billionaires sa Pilipinas habang nadagdagan naman ng 6 ngayong administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa draft na ipinakita ni Brosas, dalawa lamang umano ang oligarch nang magsimulang manungkulan si PNoy noong 2010 at pagkalipas ng isang taon o noong 2011 ay umabot na ito sa apat.

Muli itong nadagdagan ng 3 noong 2012 kaya naging pito at pagpasok ng 2013 ay naging 11 na aniya ang mga oligarch na nabawasan lang ng isa noong 2014 subalit muling umakyat sa 11 noong 2015 at 2016.

Noong 2017 na panahon na ni Duterte, umakyat sa 14 ang oligarch mula sa dating 11 noong 2016 at bumaba sa 12 noong 2018 at naging 11 na noong 2019.

“Eto po yung ranking. May ranking pa,” ani Brosas hinggil sa top 10 Billionaires sa Forbes Magazine na pinangungunahan ng Sy Silbings na may pinagsamang assets na aabot sa US$ 17.2 Billion; Manny Villar, $6.6 Billion; John Gokongwei Jr., $5.3 Billion; Enrique Razon Jr., $5.1 Billion; Jaime Zobel de Ayala, $3.7 Billion; Lucio Tan, $3.6 Billion; Tony Tan Caktiong, $3 Billion; Ramon Ang, $2.8 Billion; Ty siblings, $2.6 Billion at Andrew Tan na may $2.55 Billion.

Sa nabanggit na mga negosyante, umaabot sa $52.45 Billion ang pinagsama-sama nilang yaman o katumbas ng P262,250,000,000.

Ginawa ni Brosas ang pahayag matapos ipagmalaki ng gobyerno na nabuwag ni Pangulong Duterte ang oligarkiya nang hindi aprubahan ng Kamara ang fanchise application ng ABS-CBN. (BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment