NAGPASAKLOLO sa tanggapan ng Ombudsman ang bise gobernador ng Nueva Vizcaya para mabigyan ng aksyon ang reklamong isinampa nito laban sa gobernador ng nasabing lalawigan.
Sa liham na ipinadala ni Nueva Vizcaya Vice Governor Jose Tam-an Tomas Sr. kay Ombudsman Samuel Martires na may petsang Agosto 26, 2021, noon pang Pebrero 2021 umano niya naisampa ang reklamo subalit tila hindi nabibigyan ng pansin.
Tinukoy rito ang mga reklamong Grave Misconduct, Oppression, Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to the Interest of the Service, paglabag sa Anti – Graft and Corrupt Practices Act, Usurpation of Public Officials Functions at paglabag sa Republic Act 6713.
Sinabi pa ni Tomas, hindi man lang nalagyan ng docket numbers ang reklamong inihain nito taliwas sa mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na labanan at tapusin ang graft and corruption sa pamahalaan.
Dagdag pa ng bise-gobernador sa kanyang liham, na maging ang Presidential Anti- Graft and Corruption (PACC) at National Bureau of Investigation (NBI) ay naghain ng reklamo laban kay Padilla kabilang ang kasong paglabag sa RA 9184 at RA 3019 kaugnay ng mga hindi natapos na proyekto sa lalawigan na nagkakahalaga ng P149 milyon.
Base sa rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ), may sapat na mga ebidensya upang sampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Padilla at labing limang iba pa dahil sa hindi natapos na proyekto sa lalawigan.
Nauna rito, hiniling din ng PACC sa Office of the Ombudsman na masuspinde si Padilla sa posisyon upang hindi maapektuhan ang imbestigasyon.
Samantala, napabilib naman si Tomas sa Deputy Ombudsman for Luzon, dahil umaksyon ito sa reklamo laban sa kanya ng isang Robert Corpuz na may kinalaman sa paglabag sa RA 3019, RA 112469 at Grave Misconduct dahil sa umano’y paglabag sa panuntunan ng National Task Force Against COVID-19 na sinasabing dahil lamang sa hindi nila pagkakaunawaan ni Corpuz. (ANNIE PINEDA)
