EDCA SITES PINAGANA PARA SA RELIEF, RESCUE OPS

AKTIBO na ngayon ang mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site na nasa estratehikong lugar upang palakasin ang relief, rescue and retrieval operation sa gitna ng panibagong banta ng pananalasa ng Bagyong Dante at Emong.

Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) ang mas pinaigting na koordinasyon ngayon sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command (U.S. Indo-PACOM) para mapalakas ang pagtugon sa kalamidad.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod na rin ng high level talks ng mga defense official ng Pilipinas at Estados Unidos.

Inanunsyo ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa at chairman ng National Disaster Risk Reduction Management Council Gilberto C. Teodoro Jr. ang agarang pag-deploy ng Crisis Action Team mula sa U.S. Indo-PACOM patungong Pilipinas upang makipagtulungan sa AFP sa mga rescue operation at pamamahagi ng ayuda.

“Magde-deploy po ng Crisis Action Team ang U.S. Indo-PACOM, kaalinsabay po ng ating Armed Forces of the Philippines,” ani Defense Secretary Teodoro. “Ito po ay bahagi ng ating patuloy na pagtutulungan sa panahon ng sakuna upang mailigtas ang buhay ng ating mga kababayan.”

Nakahanda rin aniya at aktibo na ang mga kakayahang logistikal.

Bunsod ng kasalukuyang nararanasang tag-ulan at posibilidad na patuloy pang epekto nito, nananatiling mahigpit ang koordinasyon ng Pilipinas, Estados Unidos, at iba pang kaalyadong bansa upang matiyak ang tuluy-tuloy na tulong para sa mga apektadong komunidad. (JESSE RUIZ)

79

Related posts

Leave a Comment