MGA DADALO SA SONA INAWAT SA ‘FASHION SHOW’

PINAYUHAN ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga mambabatas kasama na ang kanilang asawa at maging ang mga bisita na simplehan ang kanilang damit sa pagdalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Lunes, July 28.

Sa virtual press conference kahapon, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin na iminungkahi umano ni Leyte Rep. Martin Romualdez na iwasan ang pagsusuot ng mga bongga at mamahaling damit sa SONA.

“Napag-usapan na dapat simple na lang sa SONA. Dapat hindi na marangya, dapat hindi na parang fashion show,” ani Garin lalo na’t milyong katao ang naapektuhan at nagdurusa sa bagyong Crising.

“Ang pinaka-importante ay marinig ang mensahe ng Pangulo. Yung simbolo kasi nyan to simply dress during the SONA para ramdam ng mga tao na kasama natin sila, kaakibat natin sila,” ayon pa sa mambabatas.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na tuwing SONA ay mistulang nagkakaroon ng fashion show sa Batasan Pambansa dahil sa mga mamahaling kasuotan ng mga kongresista at senador at maging ng kanilang mga asawa at iba pang bisita.

Dahil dito, naglalatag ng red carpet ang Kamara kung saan dumadaan ang mga mambabatas at kasama nila papasok sa session hall habang tila sinasadyang idisplay ang kanilang mamahaling kasuotan.

“(SONA) should not be projected an event for the elite. It’s an event for the people, for out people to know, ano ang plano ng gobyerno at saan sila sa planong ito,” ayon pa kay Garin.

Samantala, bagamat hindi na umano gagastusan nang husto ang SONA sa Lunes ay hindi pa rin masabi ni Garin kung magkano ang gugugulin sa nasabing okasyon.

Kabilang umano sa hindi maiiwasang gastusan ang mga bulaklak sa plenaryo ng Kamara at meryenda ng mga dadalo na kinabibilangan ng opisyales at staff ng Malacañang, Senado at Kamara.

91

Related posts

Leave a Comment