OMBUDSMAN PINABILIS PAGGULONG NG BINAY, YAP-VILLA FLOOD CASE

PINABILIS na ng Office of the Ombudsman ang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood-control projects na iniuugnay kay Makati City Mayor Nancy Binay, matapos magsumite ng mabibigat na sinumpaang salaysay si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.

Ayon sa direktiba ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla, inatasan ang General Investigation Bureau na pabilisin ang proseso dahil sa bigat at lawak ng mga alegasyon.

Sa utos na ipinadaan kay GIB Director Ma. Jennifer Lacea, binigyang-diin ng Ombudsman ang pagkakatugma ng resulta ng Senate investigation at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI). Kapwa nagrekomenda ang mga ito ng pagsasampa ng kaso matapos maitalang may direktang ugnayan si Binay sa mga kwestiyonableng flood-control projects na tumakbo sa iba’t ibang budget cycle.

Sa kanyang mga affidavit, iginiit ni Bernardo na si Carleen Yap-Villa, dating staff sa opisina ni Binay sa Senado at kalaunan ay department head sa Makati City Hall, ang nagsilbing pangunahing “conduit” sa pagitan ng kampo ni Binay at ng mga opisyal ng DPWH. Kapansin-pansin umano na nagbitiw sa puwesto si Yap-Villa kasunod ng pagsisimula ng Senate hearings.

Ayon pa kay Bernardo, si Yap-Villa ang humawak ng koordinasyon, negosasyon, at umano’y paniningil ng ‘kickback’ kapalit ng pag-aayos ng mga proyekto. Mayroon umano siyang detalyadong talaan ng mga transaksyon na nagpapakita ng pagtanggap hindi lamang ng alkalde kundi maging ng kumpirmasyon ng pagtanggap ng kanyang asawa.

Binigyang-diin ng mga imbestigador na hindi tsismis ang kaso. Batay sa ICI, hindi na kapani-paniwala ang depensang “walang alam” dahil sa dami, dalas, at direktang pagkilos ng isang pinagkakatiwalaang aide sa loob mismo ng political at administrative circle ni Binay.

Inaasahang lilitaw sa mga susunod na araw ang mga karagdagang testigo na magpapatibay sa mga alegasyon.

Lalong uminit ang kaso nang hindi umano sumipot si Yap-Villa sa ipinadalang subpoena ng Ombudsman. Itinuring ito ng mga imbestigador bilang hayagang pagbalewala sa kapangyarihan ng institusyon, lalo na sa gitna ng direktiba ni Pres. Bongbong Marcos Jr. na tutukan at durugin ang mga anomalya sa flood-control projects.

1

Related posts

Leave a Comment