ONE MEAL SUBSISTENCE ALLOWANCE NG MGA SUNDALO IBIBIGAY SA TS CARINA VICTIMS

NAGKAISA ang mga miyembro sandatahang lakas ng Pilipinas na ibigay sa mga biktima ng bagyong Carina at Southwest Monsoon o Habagat, ang bahagi ng inilaang kanilang pangkain o one meal subsistence allowance.

“The Armed Forces of the Philippines (AFP) is extending its support to the victims of Typhoon Carina by donating the equivalent of one meal from their Subsistence Allowance, amounting to P50.00 per member,” ito ang inihayag ni AFP chief of staff General Romeo Brawner Jr.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ang pagkilos ng iba’t ibang search, rescue, and retrieval teams na naka-deploy sa Metro Manila, Southern at Northern Luzon, para tumulong sa humanitarian assistance and disaster response efforts.

Kasunod ng United States at China, nagpahayag na rin ng kahandaan ang iba pang mga bansa na magbigay ng tulong sa PHL kabilang na ang Japan, Israel, Canada, Romania, Germany, UK at Australia kasabay ng pagpapaabot ng kani-kanilang ambassador ng mensahe ng pakikisimpatiya sa mahigit 1 milyong Pilipino na naapektuhan ng bagyo.

Ang Chinese Embassy sa pakikipagtulungan sa Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry Inc., ay nagkaloob ng 3,500 relief packages na nagkakahalaga ng mahigit P3.5 million para makatulong sa mga pamilyang mahigpit ang pangangailangan.

Ayon kay Chinese Ambassador Huang Xilian, namahagi sila ng kahon-kahong ayuda, kasama si Manila Vice Mayor Yul Servo, sa pakikipag-ugnayan kay Manila City Administrator Atty. Bernie Ang, na ang bawat pakete ay naglalaman ng bigas, canned food, at noodles, na layuning matugunan ang pangunahing pangangailangan ng affected families.

“I was glad to deliver the first batch of relief packs to the residents affected by the typhoon together with Manila Vice Mayor Yul Servo. We hope these humble donations would be of help to those families in need,” ani Amb. Huang Xilian.

Dahil marami ang nawalan ng bahay at naninirahan sa evacuation centers dahil sa patuloy na nararanasang mga pag-ulan at landslides lalo na sa Mindanao, nakipag-ugnayan naman ang USAID – US Agency for International Development at World Food Programme, International Organization for Migration – Micronesia, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mamahagi ng shelter-grade tarps and family food packs.

“We are continuing to monitor the situation and are prepared to scale up our assistance if needed,” ayon sa US Embassy in Manila.

Una rito, tiniyak ni U.S. State Department Secretary Antony Blinken na nakahanda ang Amerika na magbigay ng tulong para sa mga Pilipinong apektado ng pananalasa ng nagdaang Super Typhoon Carina.

Ginawa ni US State Department Secretary Antony Blinken ang pagtitiyak matapos ang kanilang pag-uusap sa telepono ni Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo kung saan tinalakay ng dalawa ang nalalapit na 2+2 Ministerial Dialogue, kung makakasama rito sina Defense Secretary Lloyd Austin at National Defense Secretary Gilberto Teodoro, na idaraos sa Maynila.

Samantala, hanggang noong Sabado, nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development ng aabot sa P70 milyong halaga ng tulong sa mga residenteng labis na naapektuhan ng nagdaang bagyong Carina at hanging Habagat sa bansa.

Ito ang kinumpirma ng ahensya sa ginanap na situation meeting nitong Sabado kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, nakapagbigay na sila ng family food packs, family kits, hygiene kits, laminated sacks, kitchen kits, at iba pang relief items para sa mga apektadong pamilya.

Sa datos ng ahensya, pumalo na sa 400,000 pamilya o mahigit 1.5 milyong indibidwal ang naitalang apektado.

Mula ito sa halos 2,000 na mga barangay sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa Pilipinas.

Habang 42,000 kahon ng family food packs ang naiabot ng ahensya sa Calabarzon at 4K hanggang 10K FFPs ang dadalhin sa mga araw na susunod.

Naihatid na rin ng ahensya ang ilang food and non-food items, at tumanggap ng P20,000 financial assistance ang mga individual mula Calabarzon at CAR. (JESSE KABEL RUIZ)

299

Related posts

Leave a Comment