P45.68-B DROGA NAKUMPISKA, 101,757 KATAO ARESTADO

UMABOT sa P45.68 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ayon sa inilabas na true number data ng PDEA, umabot sa 74,832 anti-narcotics operations ang kanilang inilunsad na nagresulta sa pagkakasamsam sa P45.68 bilyong halaga ng droga na binubuo ng

5,945.67 kg. ng shabu, 74.60 kg. ng cocaine, 105,873 party drugs o ecstasy tablets at 5,064.68 kg. ng marijuana noong Hulyo 2022 hanggang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon.

Samantala, 28,899 sa 42,000 barangay sa bansa ang idineklarang “drug-cleared” sa parehong period habang 6,617 affected barangay ang nililinis pa ng mga awtoridad.

Sa inilabas na datos ng PDEA nitong nakalipas na linggo, nabatid na umabot sa 101,757 drug personalities ang nadakip sa isinagawang anti-illegal drug operations.

Habang umabot naman sa kabuuang 6,508 high-value targets (HVTs) sa buong bansa, ang na-neyutralisa bunsod ng ikinasang 74,832 anti-illegal drug operations.

Nabuwag din ng mga awtoridad ang 1,053 drug dens at isang clandestine shabu laboratory sa parehong panahon.

Sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22, nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang “bloodless campaign” laban sa ilegal na droga sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)

393

Related posts

Leave a Comment