HINDI pinahihintulutan ng umiiral na mga batas sa bansa ang pag-aampon ng sanggol sa pamamagitan ng online platforms.
Ito ang iginiit ni National Authority for Child Care (NACC) Assistant Secretary Rowena Macalintal sa ginanap na Quezon City Journalists Forum nitong Martes, Pebrero 10.
Ayon kay Asec. Macalintal, malinaw sa batas na ang pag-aampon ay dapat dumaan sa legal at pormal na proseso, at mahigpit na ipinagbabawal ang online adoption at pagbebenta ng sanggol.
“Hindi po legal ang online adoption. Dapat po tayong dumaan sa legal na proseso para dito,” ani Macalintal.
Dagdag pa niya, sa kabila ng pagpapatupad ng Republic Act 11642, na naglalayong gawing mas mabilis, simple, at libre ang legal na proseso ng pag-aampon, patuloy pa rin ang pagdami ng mga Facebook groups at online platforms na ginagamit sa iligal na bentahan ng mga sanggol.
Batay sa mga ulat, umaabot umano sa ₱80,000 hanggang ₱85,000 ang presyuhan ng mga sanggol, gaya ng isang kasong naitala sa police blotter sa Cebu City.
Samantala, nagpaalala rin si PLt. Wallen Mae Arancillo, tagapagsalita ng PNP Anti-Cybercrime Group, na huwag basta-basta maniniwala sa mga taong nakakausap sa social media at online platforms, lalo na kung hindi kilala.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-iingat sa pagbibigay ng personal na impormasyon, tulad ng tirahan, bank details, at iba pang sensitibong datos, upang maiwasan ang pagiging biktima ng online scams.
“Huwag po tayong magbibigay ng anomang personal na impormasyon sa social media at online platforms upang hindi mabiktima ng online scam,” ani Arancillo.
(PAOLO SANTOS)
2
