INANUNSYO ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon na hindi muna sila tatanggap ng online booking sa eZConsult website na alalay sa booking sa mga barangay para sa first dose ng pagbabakuna.
Ayon sa post nila sa official Facebook page ng Quezon City, sinabing habang hinihintay nila ang karagdagang bakuna sa COVID-19 mula sa Department of Health (DOH) ay pansamantalang itinigil muna nila ang online booking.
Sinabi pa nila, para naman sa nakatanggap ng first dose, ang inyong second dose ay nakareserba na kung saan kayo tumanggap ng first dose.
Anila, sundin lamang ang petsa sa inyong Vaccination Card.
Binanggit pa ng lokal na pamahalaan, antabayanan lang sa kanilang Facebook Page at sa inyong mga barangay kung kailan muli magkakaroon ng schedule ng first dose ng bakuna laban sa COVID-19.
Sa pinakahuling ulat ng Quezon City, lumalabas na nasa 121,621 pa lang ang nabakunahan sa mga taga-Quezon City para sa #QCProteTODO laban sa COVID-19.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng frontliners, senior citizens, at may comorbidities. (JOEL O. AMONGO)
161
