ONLINE SCAM LUMALA SA SIM REGISTRATION – PAOCC

MALAKING hamon sa mga awtoridad ang pagsugpo sa online scams dahil sa SIM Registration Act, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Inihayag ito ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz matapos iulat ng credit rating firm na Moody’s na may Filipino entity at mga tao ang sangkot sa romance scams. Sa katunayan, nakita ang mabilis na pagsirit sa 45 noong 2024 kontra sa 10 noong 2023.

“The Philippines ranked seventh globally for the highest number of entities and people with potential ties to romance scams,” ayon sa Moody’s.

Aminado naman si Cruz na ang Pilipinas ay naging hotspot para sa cyber scams, partikular na sa romance scams at financial fraud.

“Iyong mga nakakausap ko pong mga foreign counterparts natin, law enforcement counterpart, every time they do an investigation, lumalabas ho na iyong mga scamming activities o iyong source ng scamming ay nanggaling po sa Pilipinas,” aniya pa rin.

“Kapag sa international scene ho, kapag naimbitahan po ako doon o kapag uma-attend po ako ng mga seminars, forums o kaya meeting, it’s always… sasabihin nila, ‘We have victims here in our country and upon tracing, nakita namin na it’s coming sa inyo,'” ang sinabi ni Cruz.

Winika pa ni Cruz na isa sa mga problema ay ang SIM Registration Act, sinasabing napahihintulutan ang mga tao na mag-register ng kanilang SIM card gamit ang pekeng detalye.

“Iyong SIM card registration natin kahit sino, kahit anong address ang ilagay mo pwede, kahit anong mukha ang ilagay mo pwede. So, sino ang hahabulin ng imbestigador? Blangko ‘di ba,” ang sinabi pa rin ni Cruz.

Sinabi pa ni Cruz na ang pinaka-nakakaalarmang scams ay ang tinatawag na “love scam” kung saan ang mga biktima, kadalasan ay retiradong lalaki na mahigit 35 taong gulang na may negosyo ang namamanipula sa pamamagitan ng pagpapadala ng pera sa mga nagpapanggap o manlolokong tao gamit ang manuals na ginawa daw ng psychologists at psychiatrists na binayaran ng mga ito.

Ibinuking din ni Cruz na ang mga scammers ay mayroong maraming larawan ng magagandang babae at pinag-aralan ang social media behavior ng kanilang biktima. Ang prosesong ito ay tumatagal ng pitong araw. (CHRISTIAN DALE)

28

Related posts

Leave a Comment