ALVAREZ PINABUBUSALAN SA BLANGKONG BICAM REPORT?

GUSTO umanong busalan ng tatlong administration congressmen si dating House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez sa gitna ng seryosong alegasyon sa sinasabing niyang criminal act sa pagsingit umano ng mga probisyon sa mga blangkong bahagi ng 2025 General Appropriation Act (GAA).

Buwelta ito ni Alvarez kina Taguig representative Amparo Maria ‘Pammy’ Zamora, Majority Leader Jose Manuel Dalipe at 1-Rider party-list congressman Ramon Rodrigo ‘Rodge’ Gutierrez na kumukuwestiyon sa motibo ng dating Speaker sa pagsampa nila ng kaso laban sa mga matataas na opisyales ng Kamara de Representante.

Magugunita na bukod sa kasong falsification of legislative documents na isinampa ng grupo ni Alvarez kina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Majority Leader Jose Manuel ‘Mannix’ Dalipe, dating House Appropriation chairman Ako Bicol party-list solon Elizaldy ‘Zaldy’ Co at senior vice presidente ng komite na si Marikina District II congresswoman Stella Luz Quimbo ay nagsampa din ang mga ito ng hiwalay na kaso sa Office of the Ombudsman.

Bilang reaksyon, sinabi nina Zamora at Dalipe na dumaan sa mahabang proseso ang national budget at may pagkakataon si Alvarez na ihayag ang kanyang posisyon laban dito subalit hindi nito nagawa ang kanyang tungkulin dahil bihira itong makita sa Kamara.

“There is no such thing as legislative estoppel. My non-participation in the hearings did not give Romualdez and company the license to commit crimes. While we have to respect Rep. Zamora’s and Majority Leader Dalipe’s opinion, perhaps it would be wise for both of them to go back to law school,” punto ni Alvarez.

“Dagdag pa natin, paano ako makapag-participate, hindi ako member ng Bicameral Conference Committee, ‘di ba? Doon sa bicam report ang problema, hindi sa NEP (National Expenditure Program) at hindi sa GAB (General Appropriations Bill). Doon sa bicam report may blanks, niratipika ng Congress, tapos biglang may 241 bilyong piso ang ipinasok kahit hindi ito aprubado ng Kongreso. Krimen ‘yan at may mga makukulong,” pagsisiwalat pa ng kongresista.

Hindi rin pinalampas ni Alvarez ang komento ni Guttierez na tila kumukuwestiyon sa motibo niyang maghain ng reaksyon gayong marami itong pagkakataon na itama ang mga inaakala niyang mali sa budget pero hindi nito ginawa.

“Naiintindihan natin na minsan tingin ng Congress korte sila, lasing sa kapangyarihan eh. Lalo na noong panahon ng Quad Committee, kita n’yo naman, ayaw lang sagot mo, contempt ka kaagad, ipakukulong ka pa sa Correctional Facility kahit na may detention area naman ang House of Representatives. Pero tandaan natin, judicial power belongs to the court, and not to Congress,” sagot ng dating House leader.

“Dito, ang nangyari krimen, nag-insert sila ng mga numero na iniba iyong ibig sabihin noong legislative document. Ang tanong, may jurisdiction ba ang Congress mag-assess ng probable cause at maglitis at magpataw ng parusa sa mga napatunayang nagkasala? Hindi kailangan maging henyo para malaman ang sagot d’yan,” ayon pa sa unang speaker ng Kamara sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Mariin din nitong itinanggi na may kinalaman sa impeachment case ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte Carpio ang pagsampa ng mga ito ng kaso laban sa grupo ni Speaker Romualdez. (PRIMITIVO MAKILING)

31

Related posts

Leave a Comment