CAVITE – Inaresto ng Cavite Police ang isang pekeng sundalo habang naglalakad na may sukbit na baril sa kanyang baywang sa Imus City noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang naaresto na si Villardo Zape Peradilla Jr., 40, may asawa, online seller at residente ng ACS Apartment D, Brgy. Bayan Luma 7, Imus City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Mark Anthony Salvador ng Imus City Police, alas-2:00 ng hapon nang damputin ang suspek nang mamataan sa Brgy. Bayan Luma 4, Imus City, Cavite.
Inaresto ang suspek base sa reklamo ng ilang concerned citizen na may nakitang isang kahina-hinalang lalaking nakasuot ng uniporme ng sundalo at may sukbit na baril sa baywang.
Nang arestuhin ng mga awtoridad ang suspek ay nakumpiskahan ito ng isang replica ng baril at walang naipakitang Identification Card (ID) na magpapatunay na isa siyang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591, Omnibus Election Code at usurpation of authority. (SIGFRED ADSUARA)
289 