Dahil po siguro sa pangungulit ng inyong kabalat mga ka-Saksi, mahigit sa apat na libong mga kaso po mula sa mahigit labing apat na libong mga kaso na naka-apila sa Department of Justice ang naresolba na ng ahensiyang ito ng pamahalaan.
Ito po ang nakuhang impormasyon ng inyong kabalat mula kay DOJ Assistant Secretary Neal Vincent M. Bainto na nagsabi na ang mga naturang kaso ay ang pinagsamang petition for review at motion for reconsideration na inihain sa Kagawaran ng Katarungan mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Bagaman mayroong nagawa o naresolbang ganoon karaming kaso ang DOJ ay hindi naman masaya si ASEC Bainto dahil sa libo-libong mga kaso pa rin aniya ang nakatambak sa kanilang tanggapan na kailangan nilang maresolba.
Paliwanag pa ng opisyal ng DOJ, bagaman ganoong karami ang kanilang naresolba ay halos di rin aniya nabawasan ang mahigit sa labing apat na libong mga naka apilang kaso sa DOJ, ito’y sa kadahilanang sa buong taon ng 2019 ay araw-araw din namang mayroong naghahain ng apila sa Kagawaran ng Katarungan
Aminado si Asec Bainto na kailangan pa siguro nilang doblehin ang mga naka in-house na piskal ng kagawaran na katulong nila sa pagresolba ng mga naka apilang mga kaso ngayong taong 2020 upang makahabol at mabawasan o maka-kalahati man lang sa patuloy na paglobo ng mga naka-apilang mga kaso sa DOJ.
Kailangan din nating unawain ang departamentong pinamumunuan ni Secretary Menardo Guevarra dahil sa lawak po o dami ng mga naka-apilang kaso sa kagawaran mula sa ibat ibang mga tanggapan ng mga piskal sa buong bansa kung kaya po di kayang ma-zero backlog ang tanggapan.
Sa pagpasok po ng taong 2020, hindi ko pa rin po tatantanan yan!!! Sabi nga ni Miguel Castro o Mike Enriquez ng DZBB!!! (PRO HAC VICE / Bert Mozo)
295