ANG DAMING NEGATIBONG GANAP

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG daming ganap sa Ina kong Bayan…mga ganap na puro negatibo kaya parang nagkakatotoo ang kasabihan na “When it rains, it pours” pero ang bumubuhos ay masama o kasamaan.

Ilang buwan tayong diniyeta sa sibuyas dahil sa hoarding para marahil kumita ang smugglers na hanggang ngayon ay wala pang nahuhuli kahit isa at bagama’t nag-iimbestiga na ang Kongreso, mukhang wala pa ring mangyayari.

Hindi pa rin bumababa ang inflation rate na lalong nagpahirap sa mga tao na mula noong maupo ang administrasyong Marcos ay hindi na natigil ang paglobo at posibleng umabot pa raw ‘yan ng 9.3% mula sa 8.7% na naitala noong Enero.

Habang naghihikahos ang mga tao, eto naman ang ilang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na naglagay ng kahihiyan sa Ina Kong Bayan.

Akalain mo, nagkaapo ‘yung mga laglag bala gang sa NAIA ng mga mandurukot? Akala ko sa mga kalsada lang may mandurukot, kahit pala sa NAIA ay meron at naka-uniporme pa.

Ayan tuloy, laman ng balita sa buong mundo ang karanasan ng Thai national na dinukutan ng isang OTS personnel at hindi na raw siya babalik sa Pinas dahil baka sa susunod ay hindi lang dudukutan kundi lalagyan pa ng droga ang kanyang gamit.

Mantakin n’yo yan? Ginagastusan ang promosyon para pasyalan ng mga dayuhan ang Ina Kong Bayan ay masisira lang sa isang iglap dahil sa makakating kamay sa NAIA?

Negatib na negatib din ang dating ng sunod-sunod na ambush sa mga pulitiko na ang pinakamalala ay ang pagpasok ng gunmen sa loob ng compound ng bahay ni Misamis Oriental Gov. Roel Degamo para ito patayin.

‘Yung tatlong pulitiko na sina Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Appari Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda at Mayor Ohto Montawal ng Datu Montawal, Maguindanao del Sur, ay pawang in-ambush pero itong si Degamo pinasok talaga sa compound niya para patayin siya. Lupit ‘di ba?

Mukhang out of control at wala nang kinatatakutan ang mga gun for hire na isang kahihiyan, hindi lamang sa pambansang pulisya kundi mismo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ngayon may transport strike pa na siguradong magpaparalisa sa ekonomiya ng bansa lalo na kapag tinotoo na isang linggo itong gagawin ng transport group dahil ang pakiramdam nila ay naisahan sila ni Marcos.

Sabi ng isang tsuper, kaya nila ibinoto si Marcos ay dahil nangako ito na hindi mawawala ang traditional na pampasaherong jeep sa lansangan pero itutuloy pala ang sinimulan ni Digong. Kung baga na-scam sila.

Mukha kasing may napangakuan na magsu-supply ng modernong jeep pero hindi kaya ng mga tsuper ang halaga na aabot ng mahigit P2 million bawat unit na mukhang walang itatagal.

Ang tanong, kaya pa ba? Paano reresolbahin ang negatibong ganap na ito at kailan naman kami makararanas ng mga mabubuting ganap?

197

Related posts

Leave a Comment