NASA 2,000 na examinees ng civil engineering board exam ang dumulog sa inyong lingkod hinggil sa kahiwagaan ng Professional Regulation Commission (PRC).
Ang naturang examinees ay kasama sa higit sa 15,000 na board examinees para sa civil engineering licensure sa darating na Nobyembre 8. Ano’ng hiwaga kamo ang ginawa ngayon ng PRC?
Actually, hindi naman ang buong PRC ang culprit, kundi ang Board of Civil Engineering na binubuo lamang ng tatlong tao. Itong tatlong ito ang nuknukan ng kahiwagaan, mala-engkanto.
Ang siste kasi, nagpalabas ng notice ang PRC noong Oktubre 1, na nagbabawal sa higit sa 15,000 examinees sa paggamit ng scientific calculator na CASIO CALCULATOR FX-991 ES, FX-991 ES PLUS at FX 570 ES PLUS sa darating na licensure exam sa darating na Nobyembre 8.
Ang mga binanggit na mga brand ng calculator ay ang mismong gamit ng exminees mula pa noong sila ay mga estudyante hanggang mag-review para sa board.
Ngayon ang pinapayagan lamang nilang brand ng calculator ay mga ini-release sa merkado noong 1980s pa! Mga antigo na! Habang isinusulat ang kolum na ito, walang mabilhan ang kani-kanilang mga magulang ng mga Jurassic na calculator sa Bacolod, Iloilo, Davao, Cagayan de Oro, Palawan -Puerto Princesa, etc.
Kaya bang mag-manufacture ng mga obsolete nang calculator ng mga manufacturer nito sa loob lamang ng isang buwan? Halimbawang makapag-manufacture ng 15,000 na calculators, kaya bang mai-distribute ang mga calculator na ito sa mga tindahan sa buong bansa sa loob lamang ng isang buwan para makabili ang mga magulang ng mga bata? Ngayon, may panahon pa ba para sa examinees na mai-orient nila ang kanilang sarili sa paggamit ng mga Jurassic na calculator na prescribed ng PRC?
Mahiwaga talaga! Kasing hiwaga ng ninja cops! (For the Flag / ED CORDEVILLA)
342